Monday, May 17, 2010

Hindi Pa Tapos Ang Laban


Max Bringula (Abante ME Edition, 18 May 2010)

Ito ang pinanindigan ni Sen. Manuel “Mar” Roxas nang umabante sa kanya si Makati Mayor Jejomar Binay sa pagka-bise-presidente sa katatapos na eleksiyon noong Mayo 10.

Mahigit na walong-daang libong boto ang lamang ni Binay ng Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) kay Roxas ng Liberal Party, subalit ayon sa huli mababago ang senaryo kapag naisama na ang boto ng Kabisayaan na siyang balwarte ng mga Roxas.

Until the canvassing is over, our fight does not end,” ani ng kampo ni Roxas tungkol sa gitgitang laban na Roxas-Binay, o Binay-Roxas, habang ang ibang katunggali nila ay nag-concede na tulad nina Loren Legarda ng Nacionalista Party, Edu Manzano ng Lakas-Kampi-CMD, Bayani Fernando ng Bagumbayan, Perfecto Yasay ng Bangon Pilipinas at Jay Sonza ng KBL.

Maging ang pumapangalawa sa karera sa pagka-Pangulo na si Joseph ‘Erap’ Estrada ay di pa rin sumusuko. Bagama’t milya-milya na ang agwat ni Noynoy Aquino, umaasa pa rin si Erap na magbabago ang ihip ng hangin. Para sa kanya, hindi pa tapos ang laban.

Kamakailan lamang din, binawi naman ni JC Delos Reyes ng Kapatiran Party ang kanyang pagtanggap ng pagkatalo sa pagka-Pangulo nang sumambulat ang balitang irregularities sa katatapos na automated voting. Sa huling mga kaganapan may mga lumalabas na alegasyong nagkaroon ng dayaan. Nagsanib na ng puwersa si Delos Reyes, Jamby Madrigal at Nicanor Perlas upang i-apela ang resulta ng halalan. Ayon kay Delos Reyes, kailangang matukoy ang gumawa ng dayaan at kilalanin ang tunay na nagwagi sa halalan. Hindi pa tapos ang laban ang iginigiit niya.

Ganito rin ang sigaw ng grupong Bangon Pilipinas ni Bro. Eddie Villanueva na nasa ika-limang puwesto sa resulta ng botohan sa pagka-Pangulo. Ayon sa kanila, bagamat may nahalal na na bagong liderato ng bansa na mamumuno sa darating na anim na taon, hindi pa rin tapos sa kanila ang laban. Kanilang ipagpapatuloy ang sinimulang pagsamo at paghikayat sa mamamayang Pilipino na bumangon sa abang kalagayan nito, at ang pagbabantay sa bagong pamunuan para sa matuwid at maka-Diyos na pamamahala. Ayon kay Bro. Eddie, tutulong siya for the “rebuilding of the nation.”

Sa sulat na pinadala ni Bro. Eddie sa mga supporter nito, kanyang pinamanhikan sa kanila na magpatuloy sa sinimulang laban tungo sa tunay na pagbabago. Ito ang buod ng kanyang sulat.

Sa loob ng tatlong buwang campaign period, naramdaman ko ang pagsama ninyo. Hindi biro ang pinagdaanan nating laban. Mabigat man ang sakripisyo ko, naging magaan dahil sa inyo. Hindi ko na maiisa-isa lahat ng kontribusyon ninyo para sa pagsusulong ng tunay na pagbabago, para sa matuwid na pamahalaan. Hindi ko man kayo maisa-isa, salamat! Kayo ang “unsung heroes” ng Bangon Pilipinas.

Sa panahong ito, dalangin ko na lahat tayo ay magkaroon ng kapayapaan na ang lahat ng ginawa natin ay hindi para sa ating sarili kundi para sa Diyos at Bayan. Ang ginawa natin sa Diyos ay hindi mawawalan ng kabuluhan. Ang ginawa natin para sa bayan ay nakaukit na sa kasaysayan. Wala nang makakanakaw nito sa atin. Sama-sama pa rin tayong magpalakasan sa bawat isa at hindi matitinag sa patuloy na pagdalangin sa Diyos na magkaroon ng matuwid na pamahalaan sa ating minamahal na bansa
!”

Samantala, habang tinitipa ko ang artikulong ito, may ginaganap naman ngayon, 16 May 2010, na Thanksgiving Service sa World Trade Center sa Pasay City, kung saan ang mga supporters ni Bro. Eddie, Erap Estrada, Jamby Madrigal, Nicanor Perlas at JC Delos Reyes ay nagsasama-sama upang magpasalamat. Bagamat may mga katiwaliang naganap sa halalan, naroroon pa rin ang hangarin ibalik sa Diyos ang papuri at pasasalamat, pagkat sa lahat ng bagay ito ang nararapat gawin.

Ang kanilang sigaw, “Ituloy ang laban tungo sa pagbabago!”

No comments:

Post a Comment