Max Bringula (Abante ME Edition, 11 May 2010)
Ito ang naranasan ng mga residente ng Eastern Province nung Sabado (08 May 2010) nang biglang rumagasa ang makapal na buhangin na may kasamang ulan, kulog at kidlat sa kalawakan ng Jubail, Al-Ahsa, Dammam, Dhahran at Alkhobar.
Alas-kuwatro pa lang ng hapon ay dumilim na agad ang paligid na sinabayan pa ng malakas na hangin na sumira sa maraming mga puno at ilang mga gusali. May mga billboards na nabaklas ngunit di naman ito tuluyang bumagsak. Nagkasali-saliwa naman agad ang trapiko sa pagmamadali ng iba na maka-uwi bago pa tuluyang lumakas ang ulan at lumikha ng baha sa daan.
Na-alarma ang ilang mga kumpanya at opisina kung kaya’t pinauwi ng maaga ang kanilang mga empleyado, isa na rito ang kumpanya pinapasukan ng inyong lingkod. Ito’y upang maiwasan ma-stranded kung saka-sakaling lumakas pa ang buhos ng ulan at bumaha tulad ng naganap sa Riyadh kamakailan lamang.
May ilang mga nag-cancel na kanilang mga commitment at meeting. Maging ang inyong lingkod ay nag-abiso sa aking grupo na kanselado ang naka-iskedyul na pulong ng gabing iyon. Ito’y upang makaiwas sa ano mang disgrasya o sakuna kung magtuloy-tuloy ang buhos ng ulan a sandstorm.
Subalit taliwas sa inaasahan, di naman nagtagal ang nasabing bagyo at sandstorm. Makalipas ang apat na oras, naging maaliwalas na ang kalangitan. “Biglang dumating at bigla ring umalis” ang nasambit na lamang ng aking kasamahan.
Gayunpaman, inabisuhan pa rin ng Presidency of Meteorology and Environment Protection (PME) sa Eastern Region ang mga residente nito na maging alerto at handa sa ganitong uri ng panahon.
TSD Readers’ Corner:
(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)
Sir, my agency told me that my salary will be SR 900, but my employer insist they give me 800 SR only. Is this a valid reason for me to go back home. I want to apply another, Thanks. – 966-556130209
Kabayan, kung may kopya ka ng kontrata na nagsasaad na SR 900 ang magiging suwedo mo at ito’y pirmado mo at ng iyong employer, subalit ito’y di sinunod ng iyong employer, ito’y matatawag na breach of contract o paglabag sa napagkasunduang kontrata. Sa kasong ito, ang lumabag ay ang iyong amo o employer. Maaari mo itong dalhin sa Labor Office ng Saudi upang ipaglaban na ibigay sa’yo ang tamang sahod na napagkasunduan ninyo. Yun nga lamang, dapat ay handa ka sa mahabang proseso na kadalasan ay nangyayari sa mga nagsasampa ng kaso sa Labor, bagamat di naman lahat.
Maaari mong hilingin sa Labor Office na kung di maibibigay ng iyong amo ang napagkasunduang sahod ay pauwiin ka na lamang at ang gastos ay dapat sa iyong employer at hindi syo pagkat siya ang lumabag sa kontrata. Subalit, kung ikaw ang magkukusang uuwi dahil di nasunod ang suweldo mo, maaaring ituring ito ng iyong amo na Resignation at ikaw ang pagbabayarin niya ng iyong tiket pati na ang mga ginastos niya sa iyo nang ikaw ay kanyang i-hire, bagamat siya (ang iyong employer) ang di sumunod sa napagkasunduan ninyong sahod.
Pag-isipan mo ito ng maigi. Mas mainam na kausapin mo ng masinsinan ang iyong amo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment