Wednesday, May 26, 2010
Masarap, Masakit ang Maging OFWs
Ang grupo ng mga OFWs sa Bahrain noong Filipino Club 25th Anniversary celebration / Kuha ni Bhoy Biazon.
by Max Bringula (Abante ME Edition, 26 May 2010)
Ang sumusunod na artikulong mababasa ninyo ay mula sa ibinahagi ni Jeremiah Javier sa kanyang Facebook. Hiningi natin ang kanyang permiso na mailathala ito sa Tinig sa Disyerto upang makapagbigay gabay at makapag-bukas ng puso’t isipan ng ating mga kababayan sa Pilipinas patungkol sa tunay na kalagayan ng mga OFWs tulad natin sa labas ng bansa. Binago ko lamang ang titulo upang maging mas akma sa nilalaman nito. - Max
Sa may asawa, kapatid, anak, kaibigan, at kamag-anak na OFW. At lalo na sa mga gustong mangibang-bansa, nais kong ibahagi sa inyo, ang natanggap kong eMail na ito. Maaaring makatulong ito upang lalong maintindihan ng bawa't isa ang tunay na ibig sabihin ng pagiging isang OFW. Tiyak na may mapupulot tayong aral dito.
Hindi mayaman ang OFW. We have this notion na 'pag OFW o nasa abroad ay mayaman na. Hindi totoo yun. A regular OFW might earn from P20K-P30K per month, depende sa lokasyon. Yung mga taga-Saudi or US siguro ay mas malaki ang sweldo, but to say that they're rich is a fallacy. Malaki ang pangangailangan kaya karamihan sa amin ay nag-a-abroad. Maraming bunganga ang kailangang pakainin kaya umaalis kami sa Pinas. Madalas, 3/4 o kalahati ng sweldo ay napupunta sa tuition ng anak at gastusin ng pamilya.
Mahirap maging OFW. Kailangan naming magtipid hangga't kaya. Oo, masarap ang pagkain sa abroad pero madalas ay paksiw o adobo (hindi kc agad nasisira ito) at itlog lang ang kinakain namin para makaipon. Pagdating ng kinsenas o katapusan, ang unang tinitingnan eh ang conversion ng peso sa dollar o riyal o euro. Mas okay na kami na lang ang magutom kaysa gutumin ang pamilya.
Kapag umuuwi kami, kailangan may baon/pasalubong kahit konti, kasi maraming kamag-anak ang sumusundo sa airport o naghihintay sa probinsya. Alam nyo naman 'pag Pinoy, yung tsismis na OFW ka attracts a lot of relatives. Kapag hindi mo nabigyan ng pasalubong eh magtatampo na yun at sisiraan ka na. Well, hindi naman lahat pero I'm sure sa mga OFW dito eh may mga pangyayaring ganun.
Magtatrabaho ka sa bansang iba ang tingin at trato sa gaya nating mga Pinoy, kahit na masipag at mas may utak tayo kaysa sa kanila. Malamang marami ang naka-experience na nang pang-gugulang o discrimination at their various workplaces. Sige lang, tiis lang, iiiyak na lang namin kasi kawawa naman ang pamilya 'pag umuwi kami sa Pinas.
Besides, wala ka naman talagang maasahang trabaho sa Pilipinas ngayon. Mahal ang bigas, ang gatas, ang sardinas, ang upa sa apartment. Tiis lang kahit maraming pasaway sa trabaho, kahit may sakit at walang nag-aalaga, kahit hindi masarap ang tsibog, kahit pangit ang working conditions, kahit delikado, kahit mahirap. Kapag nakapag-padala na kami, okay na yun. Tawag lang sa pamilay at pagsasabing, "hello! kumusta na kayo?" ay ayos na.
Hindi bato kaming mga OFW. Tao rin ang OFW, hindi kami money o cash machine. Napapagod rin, nalulungkot, nagkakasakit, nag-iisip at nagugutom. Kailangan din ang suporta, kundi man physically, emotionally o spiritually man lang.
Tumatanda rin kaming mga OFW. Sa mga nakausap at nakita ko, marami ang panot at kalbo na. Most of them have signs and symptoms of hypertension, coronary artery disease and arthritis. Yet, they continue to work thinking about the family they left behind.
Marami ang nasa abroad, 20-30 years na, pero wala pa ring ipon. Kahit anong pagpapakahirap, sablay pa rin. Masakit pa kung pasaway rin ang sinusuportahang pamilya sa Pinas - ang anak adik o nabuntis/nakabuntis; ang asawa/gf/bf may kinakasamang iba; ang kapatid nakuntento na lang na umasa at tumambay. Naalala ko tuloy ang sikat na kanta dati, yung "Napakasakit, Kuya Eddie”.
Bayani kaming mga OFW. Totoo yan! Ngayon ko lang na-realize na bayani ang OFW sa maraming bagay. Hindi bayani na tulad ni Flor Contemplacion. Bayani in the truest sense of the word. Hindi katulad ni Rizal o Bonifacio na kalayaan ang ipinaglaban. Mas higit pa dun, mas maraming giyera at gulo ang pinapasok ng OFW para lang mabuhay.
Mas maraming pulitika ang kailangang suungin para lang tumagal sa trabaho lalo na't parang mga ahas at parang mga amag ang mga kasama sa trabaho.
Mas mahaba ang pasensya namin kaysa sa mga ordinaryong kongresista o senador sa Philippines dahil sa takot namin na mawalan ng trabaho at sweldo.
Malas naming mga OFW, swerte ng mga buwayang pulitiko. Hindi umuupo ang OFW para magbigay ng autograph o interbyuhin ng media (unless nakidnap o na-maltrato). Madalas nasa sidelines lang ang OFW.
Kapag lilisan ng bansa, malungkot, and on the verge of tears. Kapag dumarating, swerte 'pag may sundo; Kapag naubos na ang ipon at wala nang maibigay, wala na rin ang kamag-anak. Sana sikat kaming mga OFW para may boses kami sa Kamara.
Ang swerte ng mga buwayang pulitiko nakaupo lang sila at ginagastusan ng pera ng Filipino. Hindi nga sila naiinitan ng matinding araw o napapaso ng langis; napagagalitan at nasasampal ng amo; kumakain ng paksiw para makatipid; nakatira sa compound with conditions less than favorable; nakikisama sa ibang lahi para mabuhay. Ang swerte ninyong mga buwayang pulitiko kayo, sobrang swerte ninyo.
Matatag kaming mga OFW. Matatag ang OFW, mas matatag pa sa sundalo o kung ano pang grupo na alam nyo. Magaling sa reverse psychology, negotiations at counter-attacks.
Tatagal ba ang OFW? Tatagal at dadami pa kami hangga't hindi pa natin alam kung kailan magbabago ang Pilipinas. Kailan nga kaya?... o may tsansa pa ba?
Masarap isipin na kasama mo ang pamilya mo araw-araw. Nakikita mo mga anak mong lumalaki at naaalagaan ng maayos na kasama ka. Masarap kumain ng sitaw, ng bagoong, lechon, inihaw na isda, taba ng talangka. Masarap manood ng pelikulang Pinoy, luma man o bago.
Iba pa rin ang pakiramdam kung kilala mo at nakakakuwentuhan mo ang kapitbahay mo. Iba pa rin sa Pilipinas; iba pa rin kapag Pinoy ang kasama mo except ('pag hambog at utak-talangka); Iba pa rin 'pag nagkukwento ka at naiintindihan ng iba ang sinasabi mo; Iba pa rin ang tunog ng "mahal kita!", "day, ginahigugma tika"," "Mingaw na ko nimo ba, kalagot!". Iba pa rin talaga.
Sige lang, tiis lang, saan ba't darating din ang pag-asa.
Kung may kamag-anak kang OFW mapalad ka at wala ka dito sa kinalalagyan namin at andiyan ka kasama mo ang mga mahal mo sa buhay.
Kung OFW ka at binabasa mo ito, mabuhay ka dahil ikaw ang tunay na BAYANI ng lahing PILIPINO!!!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment