Makikita sa background ang bantog na Kingdom Tower sa Riyadh.
ni Max Bringula (Abante ME Edition, 07 May 2010)
Ang nangyaring baha sa Riyadh noong Lunes, 04 May 2010, ay di pangkaraniwan. Hindi pa nararanasan ng Riyadh, na siyang sentrong siyudad ng Saudi Arabia, ang ganitong baha, na makikita lang dati sa mga tropical countries tulad ng Pilipinas o kaya’y sa America o Europe, pero hindi sa isang disyertong lupain tulad ng Saudi Arabia.
Lumubog ang siyudad nang hatawin ito ng napakalakas na ulan at rumaragasang hangin. Lumikha ito ng sali-saliwang traffic pagkat agad lumubog sa tubig ang karamihan sa mga daan. Tumagal ng halos isang oras ang pagbuhos ng ulan kung kaya’t tone-toneladang tubig ang sinalo ng siyudad at siyang naging sanhi ng baha na di pa naranasan ng mga residente nito.
Ang ganitong pangyayari ay nakakabahala lalo na’t di naman napaghandaan ng pamahalaan ng Saudi Arabia ang ganitong uri ng panahon. Ang mga kalsada nito’y walang mga drainage dahil noong araw na ginawa ito ay di naman umuulan o bumabagyo sa Saudi Arabia. Isang beses lang sa isang taon kung umulan. Mapalad na nga kung mayroon pagkat minsan may mga pagkakataong di talaga umuulan. Kailangan pa nilang manalangin para umulan.
Subalit ngayon ay iba na. Karaniwan na lamang ang pag-ulan sa Saudi Arabia. Parang Pilipinas na rin ang Saudi Arabia. Nagbabago na nga talaga ang panahon. Ang Pilipinas naman ngayon ang nakararanas ng matinding tag-init. Sabi nga ng isa kong kasamahan, “parang Saudi na ang Pilipinas” dahil kamakailan lamang ay umabot sa mahigit na 40 degrees farenheit ang temperatura.
Matandaan din na ang Jeddah na nasa kanlurang bahagi ng Saudi Arabia ay nakaranas din ng mala-Ondoy na baha noong December 2009 na di marahil mangyayari kung dati-rati ay di ganito ang panahon sa Saudi na umuulan at bumabagyo. Maaaring nakapaglagay sila ng mga drainage noon pa sa kanilang mga kalsada tulad sa Pilipinas.
Subalit di pa naman huli ang lahat. Sa pangyayaring ito ng pagbaha, siguradong naglaan na ang Saudi government ng budget para sa pagpapalagay ng drainage. Malaking pagbabago nga lamang ito sa arkitektura ng kanilang mga daan.
Hindi rin mapapasubalian na handa naman ang Saudi government sa mga ganitong mga pangyayari. Mayroon agad silang nakalaan na mga chopper o helicopter sa pag-rescue ng mga tao na maaaring ma-stranded sa gitna ng baha o sa kani-kanilang tahanan na lubog sa baha.
Positibo naman ang pananaw ng karamihan sa mga residente. Wika nila, ang pag-ulan ay makakatulong ng malaki sa kanilang wildlife at pananim. Makapagbibigay ito ng tubig na iinumin at tubig para sa paglaki ng mga halaman. Pagkapos ng ulan ay ang pagbuka ng mga bulaklak, ang paglitaw ng mga luntiang dahon at ang pagsibol ng mga bagong binhi.
Samantala, binigyan naman ng babala ang Eastern Region na maging handa na rin pagkat maaaring makaranas din ito ng naranasan ng Jeddah at Riyadh. Ang Eastern Region ay binubuo ng Alkhobar, Dammam, Dhahran, Jubail, Qatif, Hofuf, Ras Tanura, at ilan pang mga lugar sa palibot nito. Bagamat dalawang linggo na na maganda ang panahon dito sa Silangang bahagi ng Saudi Arabia. Gayunpaman, ang ganitong mga panahon ay maaaring senyales na may darating na unos. Ito ang tinuran ni Mohammad Al-Qahtani, opisyales ng Presidency of Meteorology and Environment Protection (PME) sa Eastern Region. (Arab News.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment