Monday, April 19, 2010

Mga Kaganapan sa Overseas Absentee Voting




by Max Bringula (Abante ME Edition, 18 April 2010)

Mag-iisang linggo na mula ng umpisahan ang Overseas Absentee Voting (OAV) noong nakaraang Sabado, 10 April 2010 na magtatagal hanggang 10 May 2010, na siya namang takdang araw ng eleksiyon sa Pilipinas.

Isinasagawa ang OAV tatlumpung araw (30 days) bago ang aktuwal na eleksiyon sa atin para sa mga land-based OFWs, at 60 days naman sa mga seafarers. Ito’y batay sa nakasaad sa Section 29, Article VI, Resolution No. 6466 ng Republic Act No. 9189, o mas kilalang “The Overseas Absentee Voting Act of 2003” upang bigyan ng higit na panahon ang mga OFWs na malayo sa embahada o konsulada na makaboto.

Ang OAV rin ang unang makakasubok sa automated election gamit ang precinct count optical scan (PCOS), na isasagawa sa Pilipinas sa darating na halalan sa May 10. Ito’y sinimulan na sa Hongkong at Singapore, ang dalawang bansang napili na mayroong malaking populasyon ng OFWs. Si Rowena Dela Cruz ang kauna-unahang Pilipino sa Hongkong na bumoto sa kauna-unahang automated election ng Pilipinas, at si Lydia Deligente naman sa Singapore.

Nasa Hongkong si Congressman Teodoro Locsin at ilang mga COMELEC officials upang obserbahan ang botohan roon kung saan mayroong 24,743 certified voters. Sa unang araw ng OAV ay nakapagtala ang Hongkong ng 997 voters.

Samantala, nai-report na may isang precinct count optical scan (PCOS) sa Bayanihan Kennedy Town Center sa Hongkong na di gumana at ayaw tanggapin ang balota kahit na wala namang markings at malinis at maayos namang nai-shade yung bilog sa balota. May ibinigay na replacement pero ganoon din, hindi rin magamit. Ang pahayag ng COMELEC at Smartmatic, ito’y dahilan daw ng lamig at humidity sa lugar ng HongKong.

Nawa’y di mangyari ang ganito sa araw ng halalan sa Pilipinas sa darating na May 10, kungdi malaking dagok ito sa magiging kaayusan ng eleksiyon sa atin. Dapat nakahanda na ang COMELEC at Smartmatic sa ganitong pangyayari na maaaring maganap at mayroon agad silang nakahandang alternatibo. Dapat ay may naka-antabay na pamalit sa depektibong PCOS. Suriing maigi ang mga nasabing makina bago pa man dumating ang araw ng halalan. May tatlong linggo pang natitira bago ang aktuwal na eleksiyon.

Ayon kay Commissioner Gregorio Larrazabal ng COMELEC, walang daily counting na magaganapap sa OAV, kungdi ang mga boto o election returns ay itra-transmit electronically sa Manila sa May 10, at ang canvassing of votes ay gagawin sa Manila.

Ayon naman sa latest report mula kay Commissioner Armando Velasco, mayroon ng 16,879 overseas Filipinos na nakaboto as of 14 April 2010. 7,258 ay mula sa Asia Pacific; 2891 naman sa Europe; 2,902 sa America at 3,828 sa Middle East kung saan kabilang ang Saudi Arabia, UAE, Qatar at Bahrain. (Source: GMA News)

Sa Saudi Arabia at ibang bahagi ng Middle East, normal namang isinasagawa ang OAV, bagama’t maraming mga botante ang di makaboto pagkat wala ang kanilang pangalang sa CLOAV (Certified List of Absentee Voters) na inilabas ng COMELEC bagama’t sila’y nakaboto naman noong 2004 at 2007. Sila’y hinilingang sumulat sa COMELEC upang maiparating ang kanilang kalagayan at maaksiyunan kung makakaboto pa ba sila o hindi sa taong ito.

Maaaring i-verify ang pangalan ninyo kung kasama sa CLOAV. Bumisita sa website ng COMELEC sa www.comelec.gov.ph o sa website ng Philippine Embassy ng Riyadh sa www.philemb-riyadh.org.

Kung may katanungan tungkol sa OAV, maaaring tumawag sa OAV Section ng Embassy sa kanilang telepono na (01) 4820507 ext. 2127, o kaya naman ay sumulat o mag-eMail sa filemb@sbm.net.sa o mag-fax sa numero na (01) 4883945.

Sa Riyadh, buong puwersang nagtungo sa Philippine Embassy ang miyembro ng SBRCG (Special Ballot Reception and Custody Group) at ng SBEI (Special Board of Election Inspectors) maaga pa lang para ihanda ang mga election paraphernalia at matiyak ang kaayusan ng botohan. Ang mga grupong nabanggit ay dumaan sa 3-day extensive training-workshop na isinagawa ng COMELEC sa pangunguna ni Commissioner Elias R. Yusoph.

Batay sa report na natanggap natin mula sa Riyadh, ang unang botante nila ay si Mr. Manuel A. Amora na nagtratrabaho sa King Abdulaziz City for Science and Technology (KACST). Kasama niyang nagtungo sa Embahada upang bumoto ang iba pang miyembro ng OFW Congress. Ang pinakabata namang bumoto ay si Michael San Diego, 19 years old pa lamang at estudyante ng Second Philippine International School in Riyadh. Nagpadala naman ng poll watcher ang grupo ng Gabriela sa katauhan ni Mr. Mario Ben upang mag-observe sa kalakaran ng eleksiyon sa Riyadh.

Samantala, dito sa Eastern Province, Saudi Arabia, kung saan mayroong mahigit na 20,000 ang certified voters, maayos namang naisasagawa ang overseas absentee voting. Isang araw bago mag-simula ang OAV, inasikaso ni Labor Attache David Des T. Dicang, kasama ng iba pang opisyales ng POLO-ERO ang paghahanda ng balota at mga election paraphernalia, at ang pag-finalize ng magiging mga Marshalls sa buong buwan ng OAV mula April 10 hanggang May 10, gayundin ang mga poll watchers mula sa iba’t ibang accredited group at political party. Ang Bangon Pilipinas Party ni Bro. Eddie Villanueva na kumakandidato bilang Pangulo ng Pilipinas ay nagpadala na ng kanilang mga poll watchers di lamang sa mga araw ng botohan, kungdi sa mismong araw ng pagbibilang na gaganapin mula ala-una ng hapon sa May 10, 1010.


For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535)

No comments:

Post a Comment