Saturday, August 21, 2010

Ramadan Friendship Games 2010, Sinimulan Na

Ang mga koponang lumahok sa makulay na parada na ginanap sa Ramadan Camp. Ang team ng Dabocol (in Pink Jersey) kasama ang iba pang koponang lumahok Si Max Bringula, AFCSCOM Deputy Chairman, habang nagbibigay ng kanyang pananalita. Ang Overall Chairman na si Tariq Qais matapos magbigay ng Welcome Remarks.

Tinig Sa Disyerto
by Max Bringula (Abante ME Edition, 20 August 2010)

Opisyal na sinimulan noong Biyernes, 13 August 2010, ang kinapapanabikang Ramadan Friendship Games 2010, isang Open Invitational Basketball Tournament na itinaguyod ng Alkhobar Islamic Center, sa pakikipagtulungan ng United Filipino Sports Association (UFSA).

Ginanap ang Opening sa Basketball Court ng Ramadan Camp, Alkhobar Islamic Center sa may cross section ng King Abdulaziz Road at Alkhobar-Dhahran Road, Saudi Arabia kung saan labing-walong koponan ng mga manlalarong Pinoy at Tsina ang lumahok sa tatlong kategorya. Ito ay ang mga sumusunod:

Open League C-1: ESPE, Fire Ball, Zahid Tractor, Al Mojil – Dammam, Sargo at Al Mojil – Jubail

Open League C-2: Saudi Consult, Seven Eleven Restaurant, 2nd Industrial City Selection, Al Rasha, China Team at Al Juffali

Open League C-3: Rezayat, National Petroleum, Dabocol, Al Sharq Company, Air Base at Tripoli Sweet

Tulad ng nakagawian, sinimulan ang Opening sa isang makulay na parada ng mga koponang kalahok at sinundan ng Welcome Remarks ni Tariq Qais, Overall Chairman ng Ramadan Friendship Games, kung saan pinasalamatan niya ang mga koponan na nakibahagi sa kauna-unahang Ramadan Friendship Games sa Alkhobar. Kanyang hinikayat ang bawat isang naroroon na suportahan ang bagong pa-liga na ito at mag-imbita pa ng kanilang mga kababayan, Muslim man o Kristiyano.

Pagkatapos nito, nagbigay naman ng Inspirational Talk si Bro. Dawood David, isang Islamic Propagator. Kanyang ipinaliwanag sa mga naroroon kung bakit ang Islam ay isang “religion of equality”. Ang nasabing liga ayon sa kanya ay bukas di lamang sa mga Muslim kungdi maging sa mga Kristiyano man. Tinatayang masusundan pa ang ligang ito sa mga susunod na taon.

Ang inyong lingkod na naanyayahan sa nasabing okasyon bilang Deputy Chairman ng AFCSCOM (All Filipino Community and Sports Commission) in community affairs, at bilang manunulat at kolumnista sa Abante Middle East Edition, ang siya namang naatasan para sa Closing Remarks. Sa aking pananalita, pinaalalahanan ko ang mga koponang naroroon na maging mahinahon sa kanilang paglalaro. Bagamat maaaring di maiwasan ang may masaktan dahil ito’y larong-pisikal, dapat pa rin ipakita ang pagkaka-isa at pagmamahalan bilang mga Pilipino. Sa huli, aking binati ang bawat manlalaro at hinangad ang tagumpay ng liga mula sa paninimula nito hanggang sa pagtatapos.

Pinangunahan naman ni Jeffrey Zablan, MVP ng UFSA 2008 ang Oath of Sportsmanship, bago tuluyang sinimulan ang larong naka-iskedyul sa araw na iyon sa pagitan ng China Team vs. 2nd Industrial City Selection at sa pagitan ng Al Sharq vs. Dabocol.

Ang ceremonial toss ay pinangunahan nina Tariq Qais at Abdulaziz ‘Jawo’ Dizon, Commissioner ng UFSA.

Sa isinagawang laban, nagwagi ang koponan ng Pinoy laban sa koponan ng Tsina o China Team. 71 points ang naging score ng 2nd Industrial City Selection kumpara sa 39 points ng China Team. Naging sports naman ang mga manlalaro ng China Team sa pagtanggap ng kanilang pagkatalo sa mga manlalarong-Pinoy. Natalo man, nakapag-dulot naman sila ng kasiyahan sa mga manonood at mga basketball aficionados na naroon upang saksihan ang kakaibang labang iyon.

Ang naglaro sa 2nd Industrial City Selection at ang kanilang individual points ay sina Ronan Mandia (16 pts), Bunso Vinias (12 pts), Jorex Laurente (9 pts), Arnel Marjes (12 points), Jomar Gatdula (6 pts), Gidion Cada (6 pts), Bornok Buemia (8 pts), at Melchor Montero (2 pts).

Sa China Team naman ay sina Zhoo Yunshi (19 pts), Gao Lingzhi (9 pts), Yang Gingling (2 pts), Lu Zhan (2 pts), Xiao Hing (5 pts), at Zhu Mingxiong (2 pts).

Sa pagitan ng Dabocol at Al Sharq, nagwagi ang huli sa score na 49-40. Ang mga naglaro sa Al Sharq ay sina Arnel Majen (16 pts), Jeff Sumbillo (12 pts), BJ Tobillo (8 pts), Gilbert Silvosa (7 pts), at Noel Sumbillo (6 pts). Sa Dabocol naman ay sina Saleh Bermudo (10 pts), Ahmad Faustino (2 pts), Mohamad Isa Agustin (16 pts), Abdul Malik (8 pts) at Mohd Nagera (4 pts).

Ang iba pang mga susunod na laro ay gagawin sa mga darating na araw hanggang sa pagtatapos ng ligang ito sa 02 September 2010. Magkakaroon naman ng isang Special Event sa petsang ito, ang Inter-Regional Goodwill Games kung saan maghaharap ang EEI/ARRC (Jubail) at ang Snickers (Dammam).

Ipinapaabot ng pamunuan ng Ramadan Friendship Games 2010, Open Invitational Basketball Tournament ang pasasalamat sa kanilang sponsor na si Abdulaziz Abood Baasem, Director - Department of Awareness of Communities.

Ang bumubuo ng Executive Committee ng nasabing liga sa taong 2010 ay ang mga sumusunod: Abdulaziz ‘Jawo’ Dizon (Commissioner), Victor Delos Santos (Director-General), Arnold Valdez (computer Wizard/Designer), Faisal ‘JDC’ Dizon (Scheduler/Coordinator), mga Technical Staff na sina Edwin Beltran, Noel Sentilles, Danny Balogo, Jojo Domingo, Raymond Gonzales, at Denden Abaya, at si Tariq Qais Al-Sugair bilang Advisor at Overall Chairman – Sports Program.

1 comment:

  1. Kuya max mukhang ang hirap maglaro pag ramadan. bawal kain at inom. i hope the games are in the night time.

    ReplyDelete