Max Bringula (Abante ME Edition, 07 July 2010)
Matapos ang siyam na taong pagtitiis sa administrasyong GMA, nakahinga na rin ng maluwag ang sambayanang Pilipino nang tuluyan ng iluklok si Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III bilang ika-15 Pangulo ng Pilipinas. Nanumpa si Aquino sa may Quirino Grandstand, Luneta noong Miyerkules, 30 June 2010 sa harap ng mahigit na apat na libong katao na dumalo sa makasaysayang pag-upo ng panganay na anak ni Ninoy at Cory bilang bagong liderato ng bansa.
Umani ng di mabilang na palakpak at sigaw ng kagalakan ang Inauguration Speech ng bagong Pangulo (o P’Noy in short) mula sa mamamayang Pilipino na naroroon at maging ng mga Pinoy na nasa kanya-kanyang tahanan at nakatutok sa telebisyon, sa loob man o labas ng bansa.
Sa bawat pahayag ni P’Noy, isang bagong pag-asa ang maaaninag mo sa kanilang mukha at matamis na ngiti ng pagsang-ayon.
Naging “music to their ears” ang mga pahayag niya na wala ng “wang-wang” na maghahari-harian sa kalsada. “Kami ay narito para magsilbi at hindi para maghari. Ang mandato ninyo sa amin ay pagbabago – isang malinaw na utos para ayusin ang gobyerno at lipunan mula sa pamahalaang iilan lamang ang nakikinabang tungo sa isang pamahalaang kabutihan ng mamamayan ang pinangangalagaan.”
Hinimok ni P’Noy ang bawat Pilipino na makiisa at makipagtulungan sa pamahalaan tungo sa pagbabago at muling pagbangon ng Pilipinas. Wika niya, ang pagbabago ay magsisimula una sa liderato. “Magsisimula ito sa akin. Sisikapin kong maging isang mabuting ehemplo. Hinding-hindi ko sasayangin ang tiwalang ipinagkaloob ninyo sa akin. Sisiguraduhin ko na ganito rin ang adhikain ng aking Gabinete at ng mga magiging kasama sa ating pamahalaan.”
Tulad ng kanyang slogan noong panahon ng kampanya, “Kung walang corrupt, walang mahirap”, ipinangako ni P’Noy na pupuksain niya ang corruption na naka-ugat na sa pamahalaan at kamalayan ng Pilipino.
“Walang pangingibang bayan at gastusan na walang wastong dahilan. Walang lamangan, walang padrino at walang pagnanakaw. Walang wang-wang, walang counter-flow, walang tong,” ang dugtong pa niya.
“Pupuksain natin ang korapsiyon sa Kawanihan ng Rentas Internas (BIR) at Bureau of Customs.”
Tunay nga na may bagong pag-asang sumibol sa bawat Pilipino. Sa pamamagitan ni P’Noy, ito’y isasakatuparan.
Sa mga kapus-palad, ang pamahalaan ang kanilang magiging kampeon. Ipagtatanggol nito ang karapatan ng mga mahihirap at bibigyan ng pagkakataon maka-angat sa kasalukuyang kalagayan. Titiyaking maipagkakaloob ang pangangaiangan ng mga mag-aaral tulad ng silid-aralan at mga libro. Isusulong ang serbisyong pangkalusugan at marangal na tirahan sa mahihirap. Palalaguin ang kapulisan para ma-proteksiyunan ang mga mamamayan at hindi para maghari-harian. Tutulungan ang mga magsasaka sa irigasyon at pagbenta ng kanilang produkto.
Layunin din na paramihin ang trabaho sa loob ng bansa upang hindi na kailangan pang mangibang-bansa ng mga Pilipino. Subalit habang di pa ito naaabot, wika ni P’Noy, “inaatasan ko ang mga kawani ng DFA, POEA, OWWA at iba pang mga kinauukulang ahensiya na mas lalo pang paigtingin ang pagtugon sa mga hinaing at pangangailangan ng ating mga overseas Filipino workers (OFW).”
“Hindi na puwede ang puwede na”, ito ang ipinagdiinan ni P’Noy sa mga proyekto ng pamahalaan na dapat magbigay ng kaginhawaan sa araw-araw na buhay ng Pinoy tulad ng imprastraktura, transportasyon, turismo at pangangalakal.
Ipapairal niya ang hustisya sa bansa. “Sa mga nang-api sa akin, kaya ko kayong patawarin, at pinapatawad ko na kayo. Sa mga nang-api sa sambayanan, wala akong karapatan na limutin ang inyong mga kasalanan”, ang hamon niya sa mga gumawa ng katiwalian.
"Secretary de Lima, you have your marching orders. Begin the process of providing true and complete justice for all.” Ito ang buong paninindigan na utos niya sa bagong Secretary of Justice.
Ilan lang ang mga ito sa makabuluhang inauguration speech ng Pangulo kung saan ang liwanag sa dakong Silangan ay muling naaninag. Nawa’y magtuloy-tuloy na ang pagbabago sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng mga salitang binitawan ni P’Noy, maganap nawa ang lahat ng ito sa tulong at gabay ng Poong Maykapal.
“Hindi ko makakayang harapin ang aking mga magulang, at kayong mga nagdala sa akin sa yugto ng buhay kong ito, kung hindi ko maisasakatuparan ang aking mga binitawang salita sa araw na ito. Samahan ninyo ako sa pagtatapons ng laban na ito. Tayo na sa tuwid na landas.” – President Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Tunay nga na may pag-asa pa ang Pinoy.
TSD Readers’ Corner:
Mga Komento sa Bagong Pamahalaang P’Noy
President P-Noy is a symbol of hope for all Filipinos. He emulate servant leadership where the leaders are not masters to impose what they want but a servant to serve the people. He showed an example that must be followed by other officials. It is a challenge to everyone to support him so that we could see progress and we as ordinary citizen will have the courage to demand transparency in government services especially to those from POEA and OWWA. - Ransam S. Pirote, Bagong Bayani Awardee.
Unang-unang nag-marka sa aking isipan ay iyang isyu sa wang-wang. Bilang OFW hindi ko naman nabibigyan ng atensyon yan dahil narito tayo sa ibang bansa, pero isang magandang halimbawa ang pinapakita niya na sya mismo kahit may pribilehiyong gumamit nito ay hindi ito ginagamit bagkus sadyang tumitigil sa pa sya sa pulang ilaw ng trapiko (katulad ng ginawa ni Cory nung mga unang araw ng panunungkulan nya). Kung maipagpapatuloy sana ito ni P-Noy, maraming pang-aabuso ang masasawata at muling maibabalik ang pag-galang sa batas ng Pilipinas. Kailangan nating ipatupad ang batas. Di lang sa batas pantrapiko kundi sa pangkalahatan. Kailangang magkadisiplina ang mga Pinoy at nakikita ko na kung ang lider nila mismo ang magbibigay ng halimbawa magiging madali sa kanila ang sumunod at magiging masigasig ang mga kinauukulan sa pagpapatupad nito. Maganda ang simula nya. Ako ay umaasa na gagawin nya yung mga sinabi niya. Nawa’y hindi lang siya pang simula lang, sana tapusin nya ang pinasimulan nya dahil ang tagumpay ni P-Noy, tagumpay din ng Pinoy. - – Lito Nartea, member of Pinoy Expatz
"Kung si P-Noy ay magiging isang mabuting lingkod, di corrupt at may takot sa Diyos; tiyak ang bansa'y susulong at ang dugong Pinoy ay muling babangon". – Arthur Valeros, Coordinator of Pag-asa Community Support Group
Wednesday, July 7, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment