Max Bringula (Abante ME Edition)
Likas sa katangian ng Pinoy ang kagandahang-loob at pagiging matulungin. Sa oras ng kalamidad at matinding pangangailangan, maaasahan mo ang Pinoy sa pagtulong, lalo na kung sa ikakabuti ng taong tutulungan.
Ang bagay na ito ay muling napatunayan sa kaso ni Rosa Vilma Recto Balbin, isang OFW sa Riyadh, Saudi Arabia, na may sakit na kanser. Sa pamamagitan ni Dra. Rowena Zaplan ng Al Haramain Clinic, Riyadh, nailapit ang kalagayan ni Rosa Vilma sa Patnubay, isang grupo ng mga Filipino volunteers na umaabot sa mga kapus-palad nating mga kababayan na nangangailangan ng tulong. Isang SOS call ang pinadala ni Dra. Zaplan sa website ng Patnubay, ang www.patnubay.com, na inaksiyunan naman agad ng nasabing grupo.
Isang sulat ang dagliang ipinadala ni Joseph Henry Espiritu, administrator ng Patnubay, kay Ambassador Antonio Villamor ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh para hingin ang tulong na pagpapagamot at repatriation ni Rosa Vilma.
Agad naman umaksiyon ang ating Embahada. Ipinadala nila si Officer Zailon Ibrahim upang kaunin si Rosa Vilma at dalhin sa Bahay-Kalinga upang doon muna manatili habang inihahanda ang kanyang travel documents pauwi sa Pilipinas. Samantala, mangangalap sila ng tulong upang maipagamot muna si Rosa Vilma habang di pa siya nakaka-uwi. At kung makaka-uwi naman siya, sisikapin ng ating pamahalaan na matulungan si Rosa Vilma sa pagpapagamot sa Pilipinas.
Nasa stage two na ang sakit na kanser sa matris ni Rosa Vilma at ito’y nangangailangan ng dagliang operasyon upang di na lumala pa ang kanyang karamdaman. Iminungkahi ni Dra. Zaplan na mas makakabuti sa pasyente kung sa Pilipinas na magpapagamot. Nangangailangan ng gyne-oncology itong si Rosa Vilma at tanging sa Jose Reyes Memorial Medical Clinic (JRMMC) sa Tayuman o sa Philippine General Hospital (PGH) maaaring maipatingin ito. Dagdag pa niya, mas maaasikaso siya ng kanyang pamilya kung nasa Pilipinas.
Ayon kay Vice Consul Rousel Reyes, napag-alaman na tumakas si Rosa Vilma sa kanyang pinagtratrabauhan, ang Annasban sa Jeddah, noong June 2009, at tumungo rito sa Riyadh at nagtrabaho sa iba. Walang legal na transfer na naganap sa pagitan ng dati niyang sponsor at yung sa ngayon. Sa tulong ni Labor Attache Resty Dela Fuente ng POLO, sila’y nakipag-ugnayan na sa Annasban para dagliang mapa-uwi si Rosa Vilma.
(Update: Sa ngayon ay nasa Pilipinas na si Rosa Vilma Recto-Balbin. Umuwi siya noong Linggo, 27 June 2010.)
May mga indibiduwal din mga kababayan natin ang agad na umaksiyon ng marinig nila ang kalagayan ni Rosa Vilma. Isa na rito sa Susan Tobias na isang BA Christian at nagtratrabaho sa RKH Military Hospital. Kanyang ni-refer si Rosa Vilma sa kanyang kaibigang doctor na si Dr. Ishmael Al-Badawi Al Thuraya Clinic na bigyan si Rosa Vilma ng free treatment, at pumayag naman ito. Sumailalim si Rosa Vilma sa isang radiation therapy sa pamamahala ni Dr. Al-Badawi.
Dagdag naman ni Susan, huwag agad pauwiin si Rosa Vilma dahil napakamahal ng pagpapagamot sa Pilipinas. Kung walang din namang sapat na pera, maaaring hindi matustusan ang “continuous medication” na kakailanganin. Pag nagkagayon, madaling kakalat ang sakit. I-saturate muna raw ang lahat ng posibleng tulong na maaaring makalap para sa pagpapagamot kay Rosa Vilma. Gayunpaman, mismong si Rosa Vilma ang humihiling na siya’y pauwiin na lamang sa Pilipinas.
Sa ulat ni Roland Blanco sa Balitang Middle East, nanawagan si Rosa Vilma Recto upang humihingi ng tulong bago ito naka-uwi sa Pilipinas. Wika niya, “humihingi po ako ng tulong….tatanawin ko po na malaking utang na loob. Ang Diyos na po ang bahala sa inyo.”
Sa mga nagnanais na tumulong kay Rosa Vilma Recto Balbin, maaari kayong makipag-ugnayan kina Elma at Enrico Recto sa address na 9110 Barangay 9, Bulangan Street, Mabuya, Carmona, Cavite.
Ipinapaabot naman ni Joseph Henry Espritu ng Patnubay ang pasasalamat sa mga taong tumulong kay Rosa Vilma, tulad nina Dra. Rowena Zaplan na siyang unang naggamot kay Rosa Vilma at sa staff ng Al Haramain Clinic na nag-abot ng tulong pinansiyal, Susan Tobias at Erwin Tobias ng BA group sa pag-aalay at pagbibigay ng pag-asa kay Rosa Vilma, Dr. Ishmael Al-Badawi at staff ng Al Thuraya Clinic ng RKH Oncology Department sa libreng medication at radiation therapy, sa Assistance to National Section ng Embahada, kay Vice Consul Rousel Reyes, Officers Jerome Friaz, Zailon Ibrahim, Jimmy Harris, Lucman Guyamal at sa tanggapan ng POLO sa Pilipinas na nangako na bibigyan si Rosa Vilma ng libreng hospitalization at treatment. Gayundin sa mga kasamang wards na nag-alaga kay Rosa Vilma sa loob ng Bahay-Kalinga, at sa lahat ng mga tumulong kay Rosa Vilma na di napangalanan, maraming-maraming salamat po. Mabuhay ang Bayanihan ng Pinoy.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment