Saturday, July 31, 2010

Woe on EOW – Part 2

Kuha sa isang pulong na isinagawa ng Filipino community groups sa Embassy representatives.

Max Bringula (Abante ME Edition, 29 July 2010)

Ito’y karugtong ng paksang nauna nang nailathala sa column na ito noong Huwebes, 22 July 2010, ang “Woe on EOW”.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang samu’t saring mga komento na ating natanggap sa katatapos na Embassy On-Wheels o EOW na idinaos sa Eastern Province noong Huwebes at Biyernes, 15 and 16 July 2010. Sadya ngang naging maalab ang damdamin ng bawat isang OFWs na nagtungo sa IPSA (International Philippine School in Alkhobar) upang magpa-renew ng kanilang passport o magpa-notarize ng SPA (Special Power-of-Attorney) dahil sa di magandang karanasan kanilang kinaharap tulad ng mabagal na proseso, kawalan ng kaayusan, at hayagang palakasan. Sinabayan pa ang nag-aapoy nilang damdamin ng init ng panahon ng mga oras na iyon kung saan nakabilad ang karamihan sa ilalim ng init ng araw, tagaktak ang pawis upang kaharapin lamang ang di kanais-nais na karanasan sa EOW.

Ayon kay George Conejos, Coordinator ng Pag-asa Community Support Group, at isa rin sa nagtungo sa IPSA upang magpa-renew ng passport, napakarami raw tao na nagtungo ng araw na iyon ng Huwebes sa IPSA. Ito’y sanhi ng dalawang buwang di pagkakaroon ng EOW sa Eastern Province.

Nung Wednesday pa lang ng 11 PM ng gabi ay nakita ko nang may pila sa IPSA. Ako po ay bumalik ng 3 AM ng Thursday at nakita ko po na sobrang dami na nang nakapila at doon na mismo sa labas na IPSA nagsi-tulog upang antayin ang pagbukas nito sa oras ng 8:00 AM. Sobrang haba ang pila at nasa kalye na yung iba. May mga kababayan pa tayo na nagtitinda ng kape sa halagang 2 riyals, samantalang 1 riyals lang yun. First time kong mag-renew ng aking passport dito sa Saudi, ngunit nakita ko ang sistemang katulad sa atin sa Pilipinas. Nawa po ay makarating ito sa kinauukulan upang magawan agad ng aksiyon.”

Samantala, si Vernon Dimaano, isang Materials Engineer sa UNICOIL-Jubail, ay naghahanap ng kasagutan kung papaano na siya at ang apat niyang mga kasama ay di nakaabot sa unang 400 na aplikante na dapat i-process ng araw na iyon? “Nang pumasok kami sa loob ng IPSA, ang bilang namin ay wala pa sa 300. Papaano nangyari na hindi kami nakaabot sa unang 400 para sa encoding? Nang makabayad kami at nabigyan ng numero ay pang-552 na ako. Bakit nagkaganun? Saan nanggaling yung mahigit na 250 na tao? Sa Jubail pa kami galing ng araw na iyon at dumating sa IPSA ng bago mag-ala una ng madaling araw (1:00A.M.) ng Huwebes at nag-tiyagang pumila kasama ng iba pa nating kababayan na mula pa sa iba’t ibang lugar sa Eastern Province. Pumunta kami ng maaga at nagtiyaga na matulog sa nakalatag na karton sa labas ng IPSA para lang makasigurado na matatapos namin ang pakay namin doon. Subalit hindi pala.”

Dapat ayusin ng taga-Embahada sa tulong ng mga volunteers (various Filipino community groups) ang sistema sa susunod na EOW. Ang isa naming suhestiyon ay magbigay sila ng numero habang nasa pila pa lang para walang makasingit. Sa ganitong paraan, alam na agad ng nakapila na hindi sila aabot sa quota at ng sa gayon ay pwede na silang mag-decide kung tutuloy pa ba o uuwi na lamang”, ang dagdag pa ni Vernon.

Ayon naman kay Tim Mallari, Head ng External Affairs ng Pag-asa, dapat din daw na ipagpasalamat ng maraming OFWs ang pagkakaroon ng EOW sa Eastern Province, dahil kung wala ito, kakailanganin mo pang pumunta ng Riyadh na apat na oras ang biyahe kahit SPA (Special Power-of-Attorney) notarization lang ang pakay mo.

Sana napansin din ng mga kapwa ko OFW yung mga volunteers at marshals na libreng naglilingkod sa kabila ng matinding init ng araw. Kung wala ang mga volunteers, magiging lalong mas mahirap ang pagsasagawa ng EOW. Yung tungkol naman sa paniningil ng sobra ng iba nating mga kababayan, kung alam lang ng Embahada ang tungkol dito, tiyak na di sila papayag. Lahat ng reklamo na paniningil ay hindi sa Embahada yan kungdi pansariling hanap-buhay ng iba nating mga kababayan”, ang karagdagang nabanggit ni Mallari.

Samantala, naiparating na sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh ang tungkol sa kaganapan sa nakaraang EOW. Nagkaroon na rin ng pagpupulong ang AFCSCOM (All Filipino Community and Sports Commission), ang grupong namamahala at pinagkatiwalaan ng Embahada na mag-assist sa EOW mula ng simulan ito maraming taon na ang nakalipas. Sa pangunguna ni Reggie Montana, Overall Chairman ng AFCSCOM at ni Roi Alojado, EOW Lead Coordinator, isang pulong ang ipinatawag para sa mga volunteers noong Huwebes, 22 July 2010, upang talakayin ang mga problemang naranasan di lamang nitong nakaraang EOW kungdi sa mga nakalipas na buwan.

Walong volunteers ang dumating sa pulong tulad nina Ruel Madeja, Jhun Banaticla at Adel Merino ng FILCOM-Jubail, Toto Gonzales ng SAHI (Saudi Hiligaynon), Eduardo Saballa at Jether Barsobia ng GRII, Edgar Cataluna ng SMPII, at Wilda Diaz ng SOFHCARE, kasama sina Reggie Montana, Roi Alojado, Max Bringula at Orly Flores ng AFCSCOM.

Tunghayan sa susunod na labas ng column na ito ang tugon ng Embahada sa isyu ng EOW at ang mga paghahandang gagawin sa pakikipagtulungan ng AFCSCOM upang maisaayos at mapadali ang pagsasagawa ng buwanang EOW.

*********

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Hinampo ng isang Domestic Helper

Ako po ay katulong. Nabalitaan ko po na ang minimum pay sa katulong ay SR 1500. Mayaman naman ang amo ko at maraming anak, dalawa ang asawa. At saka po ngayon, mababa ang palitan. Dati noon SR 750 kapareho lang ng isang libo ngayon. Walang asenso kaming mga katulong. Walang pabuya kahit sana isang buwang sahod kada taon bibigyan nila ng pinaka-bonus, Wala sahod lang talaga. Kahit sana kami katulong lang, may bonus kami taun-taon. Malaking tulong sa amin iyon. Kawawa kami kaysa mga empleyado. Sila 8 oras lang, kami 16 na oras." – from a reader in Saudi Arabia

No comments:

Post a Comment