Max Bringula (Abante ME Edition, 22 July 2010)
Woe o sa Tagalog ay paghihinagpis, pagkalungkot o pighati sa nararanasan o sa nakikitang nagaganap. Kalungkutang minsa’y may kasamang pagka-dismaya, pagka-inis at pagbubuntung-hininga.
Ganito maituturing ang naganap sa nakaraang EOW o ang Embassy On-Wheels nitong 15 and 16 July 2010 na idinaos sa IPSA (International Philippine School in Alkhobar). Maraming mga kababayan tayo ang di napigilan ang mainis, magalit at manggalaiti sa pangyayaring kanilang naranasan sa pag-renew o sa pagkuha ng bagong passport at sa iba pang consular services tulad ng notarization ng SPA (Special Power-of-Attorney).
May mga eMails tayong natanggap at mga tawag, at maging pakikipag-usap ng ilan sa atin tungkol sa katatapos na EOW. Kanilang inilahad ang saloobin sa mabagal na proseso, sa kawalan ng kaayusan, sa mga palakasang nagaganap at maging sa pagsasamantala ng iba sa kahinaan at pangangailangan ng mga kapwa natin OFWs na ang tanging hangad lamang ay i-avail ang consular services ng Embahada na ginagawa isang beses sa isang buwan sa Eastern Province, Saudi Arabia.
Tulad na lamang ng eMail sa atin ni Mr. Chito Camcam na nagtratrabaho sa Unicoil sa Jubail. Ito ang kanyang tinuran:
Nais ko lang iparating ang aking karanasan at reklamo sa nakaraang EOW (July 15-16, 2010) dito sa Eastern Province.
1. NAPAKA-HABANG PILA - Napakahaba po ng pila sa labas ng bakod ng IPSA. Napaka-init at lubhang mapanganib sa kalusugan ng mga kapwa OFW. May mahabang pila pa rin sa loob ng IPSA compound at loob ng Gym. SPA (Special Power-of-Attorney) lang po ang aking kukunin. Nagsimula ako pumila ng 8:00 AM at natapos ako ng 4:00 P.M.
Mungkahi ko po na sana “by appointment” ang pagpunta ng OFW para sa passport processing/requirements. Kawawa po ang mga OFW dahil sa kawalang sistema. Buti ang mga staff ng Embassy ay naka-aircon lang.
2. OPERATION PAHID-PIX - May basbas po ba ang Embassy para maningil ng 1.00 SR para maidikit ang picture mo sa form? Di ba’t kasama ito sa serbisyo sa binayarang passport processing fee?
Pero sisingilin ka ng 1.00 SR kada pahid (wow, grabe!). Magkano po ba ang UHU paste? Makatuwiran po ba ang gawaing ito? Bakit pinapayagan ang ganitong racket sa loob ng Embassy?
3. WATER FOR SALE – Mabibili mo ang maliit na bote ng tubig sa halagang 1.00 SR. Pero ang bentahan nito sa labas ay 0.50 SR lamang. 100% po ang tubo sa kada bote. Oo nga’t di naman ito sapilitan. Ngunit bakit pinapayagan ang ganitong klaseng mapang- samantalang pag nenegosyo sa loob ng Embassy? (Hindi Embassy ang IPSA kungdi ginagamit lamang ng Embahada para sa EOW. – Max)
4. DISTRIBUTION OF PICTURES – Napansin ko ang pag distribute ng pictures (ng mga nagpapakuha ng litrato para sa passport) na parang nasa bangketa o palengke at walang kaayusan.
5. PAYMENT – Sa dami ng OFW na magbabayad, iisa lamang ang cash register at isa lamang ang cashier. Di ba’t mas mahusay kong dalawang cash register ang naka-abang? Kaya’t hayun, parang ahas ang pila.
Minsan pa lamang akong nag punta sa EOW sa loob ng 13 years kung pagtratrabaho sa Saudi, pero ayaw ko ng maulit pa. For sure ganito rin ang damdamin at reklamo ng marami nating mga kababayan na pababalik-balik tuwing may EOW.
Mukhang di yata naibabalita ito sa Pilipinas. Kasi tuwing may balita sa TFC (The Filipino Channel) tungkol sa Embassy, laging magaganda ang sinasabi at pinapakita. May kumukuha ng photos kahapon, pero patapos na ng sila’y pumunta, kaya kaunti na lamang ang makikitang tao. Bago na po ang Pangulo natin at for sure di gusto ni P’Noy yan. Magpalit na po tayo ng bagong sistema.
Sumulat po ako sa inyo upang maiparating ang mga reklamo na ito at mga mungkahi sa ating Embahada. At kung maaari, ganun din sa TFC at sa Abante ME Edition.
Mr. Camcam, salamat sa pagpaparating mo ng iyong obserbasyon sa nakaraang EOW. Bilang isa sa mga community leader, expected na namin na ganito karaming pila ang magaganap pagkat dalawang buwan halos sila (ang mga taga-Embahada sa Riyadh) na di nakarating dito sa Eastern Region para sa buwanang EOW. Bagama’t sinabi na namin sa Embahada ang magiging resulta sa di nila pagpunta.. Ang madalas nilang idinadahilan ay kakulangan sa Budget kung kaya’t di nila naidaraos ang EOW. At nitong nakaraang buwan ang kanilang abiso ay ang pagdaraos ng Independence Day at paghihintay daw ng makinang gagamitin para sa e-Passport ang dahilan ng di nila pag-iskedyul agad ng EOW. Ako’y nabigla sa binabanggit mo na pinagkakakitaan na pala ng iba nating mga kababayan ang nagaganap na EOW. Bilang isang manunulat at isa sa mga community leader, ipararating natin sa kinauukulan ang iyong mga nabanggit – sa aming pulong, at pati na ng media kung saan kabilang ang inyong lingkod. – Max
Tunghayan sa column na ito ang kasunod na ulat tungkol dito, at ang mga developments sa isinasagawang pagpupulong ng AFCSCOM (All Filipino Community and Sports Commission) at maging ng Embahada upang masolusyunan ang problemang ito.
Saturday, July 24, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment