Max Bringula (Abante ME Edition, 28 June 2010)
Naging makulay at makasaysayan ang pagdiriwang ng 112th Philippine Independence Day sa Eastern Province, Saudi Arabia noong nakaraang Biyernes, 11 June 2010, sanhi ng kakaibang pagtatanghal na inihanda ng Filipino community groups kung saan kanilang ipinamalas ang mayamang kultura ng Pilipinas sa pamamagitan ng kasuutan, sayaw, at awitin mula sa labing-anim na rehiyon – ang Region 1-Ilocos, Region 2-Cagayan Valley, Region 3-Central Region, Region 4-Calabarzon & Mimaropa, Region 5-Bicol, Region 6-Western Visayas, Region 7-Central Visayas, Region 8-Eastern Visayas, Region 9-Zamboanga Peninsula, Region 10-Northern Mindanao, Region 11-Davao, Region 12-SOCCSKSARGEN, Region 13-CARAGA, National Capital Region (NCR), Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), at Cordillera Region.
Sa pangunguna ng Philippine Overseas Labor Office, Eastern Region Operations (POLO-ERO), walumpung Filipino organizations sa Eastern Province ang pinagsama-sama upang isagawa ang proyektong ito. Bawat isang rehiyon ay may limang organisasyon na nakatalaga at naatasang magbigay ng kanya-kanyang Regional Presentation. Mayroon ding Regional Booth kung saan makikita ang mga produktong yari o mula sa bawat rehiyon, pati na ang mga larawan ng magagandang tanawin na makikita roon.
Nagwagi bilang Best in Presentation ang Region 11-Davao sa kanilang kahanga-hangang sayaw na “Singkil” at makabayang awitin. 1st Runner-up naman ang Region 8-Eastern Visayas at 2nd Runner-up ang Region 7-Central Visayas na sumayaw ng “Carinosa”.
Sa Regional Booth naman, nanalo ang Region 1-Ilocos sa tawag-pansin nilang booth na naglalaman ng magagandang produktong gawa sa nasabing rehiyon. 1st Runner-up ang Region 2-Cagayan Valley at 2nd Runner-up ang Region 6-Western Visayas.
Ang Region 11 na nagwagi sa Best in Regional Presentation ay binubuo ng mga sumusunod na Filipino organizations - Philippine Institution of Certified Public Accountants (PICPA), Computer Society of Filipinos (COMSOFIL), Filipino Community in Jubail (FILCOM), D’Heroes, at Jubail Tennis Association (JTTA).
Ang Region 1 naman na napili bilang Best in Regional Booth ay kinakatawan ng mga sumusunod na grupo - CIASI (Confederation of Ilocano Association, Inc.) o Samahang Ilocano, Saring Himig, Ulupan na Pangasinan ed Saudi Arabia (UPSA), United Resources Multi-Purpose Cooperative (UREMCO), at International Electronics & Communication Engineers of the Philippines (IECEP).
Naghandog din ng awitin at sayaw ang mag-aaral at guro ng tatlong malalaking Philippine schools sa Eastern Region upang kumatawan sa tatlong kilalang isla ng Pilipinas - ang Al Andalus International School (AAIS) para sa Luzon, Philippine School in Dammam (PSD) para sa Visayas at ang International Philippine School in Alkhobar (IPSA) para naman sa Mindanao.
Lubos na nasiyahan ang mga dumalong OFWs at mga bisita sa pagtatanghal at selebrasyon. Namangha maging ang ibang lahi at mga katutubo sa kakaibang kulay at ganda ng lahing Pilipino na kanilang namalas at narinig. Lalo pang napalapit sa kanilang puso ang mga Pinoy na naging kabahagi na ng bansang ito sa pag-usad tungo sa pag-unlad. Dahil sa magandang tanawing kanilang nasaksihan at sa magiliw na pakikitungo ng mga Pilipino, lalong tumatak sa kanilang isipan ang galing ng Pinoy.
Naging karagdagan din ng kasiyahan ang isinagawang Palarong Pinoy kung saan mga larong orig na Pinoy ang ginamit tulad ng Patintero, Yoyo, Pabitin, Paluan ng Palayok, at marami pa.
Isa sa pinaka-highlight ng pagdiriwang ay ang konsiyertong handog ni Ms. Kimverlie Molina, TFC Pop Star Middle East Grand Champion at WCOPA (World Championship of Performing Arts) Grand Champion Senior Vocalist of the World na pinamagatang “Tinig ng Kalayaan”. Kanyang ipinarinig ang mga tanyag na awiting-Pinoy na sumasalamin ng pagmamahal sa bayan, sa magulang, sa kapwa at sa sarili.
Wala pa ring kupas ang galing ni Kimverlie sa pag-awit na habang tumatagal ay lalo pang gumagaling. Bumibirit pa rin ng awiting matataas ang magandang dilag ni Mr. Ronnie Molina, ang proud father ng premyadong singer.
Pinalad akong makatabi sa upuan ang mahusay na mang-aawit at kabigha-bighaning si Kimverlie at aking naitanong kung ano ang kanyang mga plano sa ngayon. Siya pala’y tutungo sa Amerika para mag-aral ng Arts and Theatre. Sa iyo, Kim, hangad ko sa iyo ang ibayo pang tagumpay. You make Filipinos beam with pride. Dahil sa’yo, taas-noo kaming magsasabi ng “Ako’y Pinoy!”
Samantala, nagbigay naman ng special number ang Saudi Arabia POP ICON 2010 winners na sina Mr. Timothy John Gamol (1st Runner-up) na umawit ng “Tagumpay” at si Mr. Arne Osabel (3rd runner-up) sa kanyang awitin na “Lipad ng Pangarap”.
Binigyan-diin naman ni Labor Attache David Des T. Dicang sa kanyang pananalita ang kahalagahan ng pagkaka-isa ng mga Pilipino. Wika niya, “ang tagumpay ay higit na nakakamit kapag bawat isa’y kapit-bisig na kikilos at magkakaisa.”
Sadya ngang di malilimutan ang kakaibang pagdiriwang na iyon. Natapos ang selebrasyon na may ngiti sa labi ng bawat isa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment