Monday, June 21, 2010

Tagumpay ng Bayan, Tagumpay ng OFWs

Si Alexander Edades Asuncion, Bagong Bayani Awardee and OFW Achiever Hall Famer. Si Kimverlie Molina habang pinasasalamatan ni Labor Attache David Des T. Dicang, kasama si Jaypee Vega, Overall Coordinator ng 112th Philippine Independence Day celebration sa EP.

Max Bringula (Abante ME Edition, 22 June 2010)

Ito ang naging sentro ng pagdiriwang ng 112th Philippine Independence Day sa Eastern Province, Saudi Arabia na ginanap sa IPSA (International Philippine School in Alkhobar) nitong nakaraang Biyernes.

Sa programang inihanda ng araw na iyon, makikita ang pagbibigay-pugay sa galing at kontribusyon ng manggagawang Pilipino. Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi mga opisyales ng Embahada o ng pamahalaan ang naging pangunahing tagapagsalita para sa okasyon kungdi isang kapwa natin OFW ang inanyayahan na maghatid ng Inspirational Message, ito’y walang iba kungdi ang tinaguriang “Ka Bayani” na si Alexander Edades Asuncion, 1994 Bagong Bayani Awardee at Hall Famer bilang OFW Achiever of the Last Decade.

Si kasamang Alex ang kauna-unahang OFW na hinirang ng Embahada ng Pilipinas na gampanan ang tungkuling Assistant Labor Attache, noong panahon na wala pang representative ng Philippine Overseas Labor Office sa Eastern Region para magbigay ng labor assistance sa mga manggagawang Pilipino.

Sa kanyang talumpati, inisa-isa ni ka Alex ang mga mahahalagang kontribusyon ng OFW sa bansang Saudi Arabia upang ito’y maging isang moderno at maunlad na bansa. Kanyang binanggit ang mga OFWs na nagbigay-karangalan hindi lamang sa Pilipinas kungdi maging sa bansang ito na kanilang pinagtratrabauhan, tulad nina Nasser Maulana na nakatuklas ng isang teknolohiya sa primary plastic na ngayon ay isa ng mahalagang sangkap sa infrastructure industry; sina Armando Ontoy at Alfredo Jacob na siyang nagpatakbo ng kauna-unahang tatlong water treatment plants at limang sewage treatment plants sa Royal Commission ng Jubail; ang Pilipinong Chemist na si Engr. Cristino Navarro, Jr., na nagtatag ng unang laboratory sa Saudi para sa water and waste treatment na siyang pinagmulan ng teknolohiya upang ang tubig mula sa karagatan ay maaari ng inumin sa pamamagitan ng water desalination; ang grupo ng Prime Note Ensemble (PNE) at Saring-Himig na pawang nagkamit ng karangalan sa mga choir competition na kanilang sinalihan sa ibang bansa; at ang TFC Pop Star Middle East Grand Champion na si Kimverlie Molina na tinanghal din na Grand Champion Senior Vocalist of the World ng WCOPA (World Championship of Performing Arts) noong 2009.

Wika ni ka Alex, “Kayong mga naririto, ano man ang trabaho ninyo, salesman ka man, waiter, domestic helper, nurse, engineer, o family driver, kahit sinisigawan tayo o pinagagalitan – tagumpay tayong lahat! Dahil nakakatulong tayo sa ekonomiya ng Pilipinas, napapagpa-aral at natutulungan natin ang ating mga mahal sa buhay, kahit tayo’y nalulungkot, homesick, nagkakasakit, sinusumpong ng mataas na presyon, mataas na blood sugar, nilalagnat, at iba pa.”

Tatlong buwan na lamang ay pabalik na si ka Alex sa Pilipinas matapos ang tatlumput-dalawang taong pagtra-trabaho sa Saudi. “Inabot ko na po ang retirement age na itinakda ng batas ng Kaharian ng Saudi. The Saudi Labor Law says I am 60, but my heart says, I’m only 16, sa isip, sa salita at sa gawa”. Sa tinurang iyon ni ka Alex, isang nakabibinging palakpakan ang isinukli ng mga nakakinig at dumalo sa natatanging okasyong iyon ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

Tulad ng isinasaad ng tema ng selebrasyon ng taong ito, ang “Kalayaan 2010: Tagumpay ng Bayan”, ang kalayaang nakamit natin ay di lamang tagumpay ng bawat Pilipino, kungdi tagumpay din ng bawat OFWs sa buong mundo, na siyang mga tunay na bayani.

TSD Readers’ Corner:
(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Karagdagang Suweldo

Ako po si Elvie P. Yumang. Dito po ako sa Riyadh noong pang July 9, 2001. Ngayon po, isang libo lang ang sweldo ko. Puwede po bang padagdagan ang sahod ko, ilagay kahit sa minimum. Lahat po gamit namin kami ang nabili. Pagkain lang kami libre.”

Hi Elvie, nararapat lamang na maragdagan ang sweldo mo considering na matagal-tagal ka na rin palang nagtratrabaho. Kausapin mo ang iyong amo tungkol dito at banggitin ang maraming taon na iyong pagtratrabaho sa kanila. Siguro nama’y mauunawaan ka niya lalo na’t kung ito’y para sa iyong pamilya. - Max

Pagbayad sa Iqama at di Pagpapa-uwi

Ako po’y OFW na naririto sa Dammam. Tapos na po ang kontratra namin at pauwi na kami. Kaso lang, kinaltas sa amin ang aming iqama sa halagang SR 850. Makatarungan ba yun? Natapos namin ang kontrata. Ang masakit pa po, tinengga pa kami ng halos isang buwan.”

Kabayan, ang gastos sa Iqama ay employer ang nagbabayad at hindi ang trabahador. Maaari kayong lumapit sa ating embassy representatives dito sa Eastern Province upang matulungan kayo sa bagay na ito at mapa-uwi sa madaling panahon pagkat tapos na inyong kontrata. Maaari silang tawagan sa numero na 8941846 o 8942890. - Max

No comments:

Post a Comment