Sunday, June 13, 2010

International Nurses Day, Ipinagdiwang ng MDH

Ang buong nursing staff ng MDH na dumalo sa nasabing okasyon kasama ang pamunuan nito.
Ang pamunuan ng Mohammad Dossary Hospital kasama si Mary Jane Tupas, Nursing Director.

Max Bringula (Abante ME Edition, 11 June 2010)

Kaalinsabay ng pagdaraos ng International Nurses Day sa buong mundo na ipinagdiriwang tuwing sasapit ang 12 of May, ang araw ng kapanganakan ni Florence Nigthingale, na siyang patron ng mga Nurses, nagkaroon ng selebrasyon ang mga nursing staff ng Mohammad Dossary Hospital (MDH) noong 23 May 2010.

Dumalo sa okasyon ang mga mahahalagang personalidad ng hospital tulad nina Mary Jane Tupas, Nursing Director ng MDH, Mahmoud El-Hindy, Medical Director, Dr. Zuhair AlKayyali, Consultant and Chief OB-GNYE, Dr. M.F. Siddiqui, Chief of Surgery and QM Director, at Mr. Abdul Fettah Ennayal, Director General ng MDH, na siyang naatasang magbigay ng Inspirational Remarks sa mga nurses.

Naging masigla ang pagdiriwang kung saan nagkaroon ng Slogan and Poster Making Contest alinsunod sa tema ng pagdiriwang na “Nurses Delivering Quality and Serving Community at MDH”.

Ang patimpalak ay nilahukan ng lahat ng nursing staff ng MDH. Pansamantalang isinantabi muna ng mga ito ang kanilang BP apparatus, stethoscope, thermometer, syringes, atbp. upang bigyang-daan ang kanilang natatagong talento sa pag-guhit, pag-disenyo at pag-katha.

Natamo ni Lou Anne Lumio, ERR Staff ang First Prize sa Poster-Making. 2nd placer naman si Amy Bautista, OR staff, at 3rd place si Retchill Gardose, Pedia staff. Sa Slogan-Making, napanalunan ni Elsy P.K., ICCU Nursing Coordinator, ang First Prize, at pumangalawa naman si Sreekumari Pillai, Nursing Supervisor, at sa third place si Stephanie Cana, OPD staff.

Tulad ng isinasaad ng tema, binigyang-diin sa okasyon ang natatanging tungkulin ng mga nurses na maghatid ng serbisyong may kalidad hindi lamang sa mga pasyente nito kungdi maging sa mga community activities kung saan kinakailangan ang kanilang serbisyo.

Tulad ng mga taong lumipas, ang nursing staff ng MDH ay patuloy na nagbibigay ng serbisyo sa local at expatriate community tulad ng medical mission, at medical and ambulance services sa iba’t ibang community activities na ginanap ng mga Filipino organizations tulad ng OFW Congress, AFCSCOM (All Filipino Community and Sports Commission), FilCom Jubail, SAHI (Saudi Arabia Hiligaynon), at Pag-asa Community Support Group.

Bilang Nursing Director ng ospital, inilahad ni Mary Jane Tupas ang kanyang mga plano at ang mga magagandang pagbabago sa loob ng isang taon sa kanyang departamento. Pinuri niya ang kanyang mga kasama sa pagiging pinaka-maayos at disiplinadong departmento sa MDH. Ipinag-bigay alam din niya ang magandang balita na magkakaroon ng karagdagang benepisyo at suweldo ang mga nurses bilang pasasalamat at pagkilala sa kanilang mahusay na serbisyo at katapatan na tinugon naman ng mga naroroon sa isang nakakabinging palakpak. Namahagi rin ng mga MDH pins sa lahat ng nurses.

Hindi naman inaasahan ni Mr. Fettah na siya’y tatanggap ng regalo mula sa mga nurses na pinamumunuan ni Ms. Tupas na labis niyang ikinatuwa.

Natapos ang programa na may ngiti sa bawat isang dumalo at sama-samang nilang pinagsaluhan ang masasarap na pagkaing inihanda. Hindi rin nawala ang picture-taking pagkatapos.

TSD Readers’ Corner:

(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)

Nag-aalala sa anak sa Dubai

Magtatanong po ako sa inyo kung sino ang pwede kong malapitan at mahingan ng tulong tungkol po sa aking anak na dalaga na nasa Dubai. Kasi po ng umalis siya sa Pinas, ang trabaho niya ay sa Parlor. Beautician siya at nag-aral pa nga ho sa TESDA ng Cosmetology. Noong una, ok pa daw ho ang kanyang trabaho, sabi ng anak ko. Pero ngyon pinaglilinis na raw siya ng bahay. Wala pa raw food allowance. Malimit na raw siyang magkasakit at pumunta ng hospital. kahit may sakit daw siya pinagwo-work pa siya. Nagpapaalam na siyang uuwi, ayaw naman siyang payagan. Sabi bayaran daw niya yung ginastos sa kanya worth 85,000 pesos. Pag tinatawagan ko ang anak ko, iyak siya ng iyak. Naaawa na po ako sa kanya. Binabalak ko na nga lang puntahan yung employer ng anak ko kasi ho sabi ng anak ko, pokpok daw ung amo nya na Moroccan, may kabit daw hong pulis at yung kapatid na dalaga medyo addict daw ho. Kaya natatakot na ang anak ko sir. Lagi raw maraming lalaki dun sa bahay nila. Ano po ba ang dapat kong gawin? Lubos na gumagalang at nagpapasalamat. – Mr. Moises M. Valencia, Dammam, KSA.

Kabayan, mainam na kontakin mo ang Embahada natin sa Dubai para matulungan ang anak mo sa kanyang kalagayan. Sila ang higit na makakatulong sa kanya. Narito ang kanilang numero, 00971-502826583. – Max

Problema ng magiging husband

Isa po ako sa avid reader ng Abante dito sa Bahrain. Itago nyo po sana ang name ko. May problema po future husband ko sa Riyadh. Tapos na po contract niya sa June pero di sya pinapayagan mag-file ng bakasyon o mag-exit. Hindi lang siya ang may ganoong problema sa kanila. Kahit nga may patay na sa pamilya, di pa rin makauwi. Eto po company niya – AHMAD N. ALBINALI COMPANY. Help nyo po siya makauwi kahit bakasyon lang po hinihingi niya. Sabi po by January pa siya pauwiin. Problem po, nakaplano na kaming magpakasai. Sana po makarating ito sa management ng Al Binali Co. Need po namin makauwi this coming June. – from a lady in Bahrain

Kabayan, ibinigay ko na sa magiging husband mo yung numero nang Embahada ng Riyadh na maaari niyang tawagan upang hingin ang kanilang tulong sa kanyang kalagayan. - Max

No comments:

Post a Comment