Makikita sa larawan si Mr. Mervat Ibrahim Al-Dahman kasama ang quintuplet at si Dr. Zuhair Al-Kayyali.
Max Bringula (Abante ME Edition, 08 June 2010)
Galak na galak at nagtatatalon sa tuwa si Mervat Ibrahim Al-Dahman, isang Saudi, 30 years old, nang ang kanyang asawa ay nagsilang ng limang malulusog na sanggol o quintuplet (tatlong babae at dalawang lalaki) kamakailan sa Caesarian section ng Mohammad Dossary Hospital (MDH). Ito ang kauna-unahang may ganitong pangyayari sa nasabing ospital.
Labis-labis ang pasasalamat ni Mr. Al-Dahman sa kanilang OB/GYNE Consultant na si Dr. Zuhair Al-Kayyali kung saan siya ay nagpakonsulta at nagpagamot. Matagal na na di sila nagkaka-anak ng kanyang asawa, kung kaya’t naisipan ni Mr. Al-Dahman na magpakonsulta, at sa isang kamangha-manghang pangyayari, sila’y biniyayaan ng limang anak agad pagkatapos ng limang taong paghihintay.
Sa ngayon, nasa bahay na ang limang bagong panganak na sanggol at nasa pangangalaga ng kanilang mga magulang na lubos-lubos ang kagalakan sa biyayang natanggap.
Tuwang-tuwa rin ang management ng hospital sa pangyayari. Ipinapaabot ni Mr. Abdul Fettah Ennayel, Director General ng MDH at Mary Jane Tupas, Nursing Director ng hospital, ang kanilang pasasalamat sa buong staff ng MDH sa tagumpay na ito.
TSD Readers’ Corner:
(Para sa mga masusugid nating mambabasa ng TSD o Tinig sa Disyerto, tayo’y maglalaan ng espasyo sa column na ito para sa inyong mga katanungan o kahilingan, at sisikapin ng inyong lingkod na matugunan ito sa abot ng ating kaalaman.)
Hindi makauwi kahit tapos na ang kontrata
“Sir magandang hapon po. Dumating po ako dito noong November 29. Sa ngayon, Sir bale 3 years, 6 months na ako. Puwede ba akong magreklamo sa pag-delayed ng amo ko? Dapat sana every 2 years ay uuwi ako. Saka yong bagong batas ng Saudi tungkol sa 20% dagdag sahod kasi hindi binigay ng amo ko. Sana, Sir ay tulungan mo ako.” – from a reader in KSA
Kabayan, karapatan ng isang manggagawa ang umuwi o magbakasyon pagkatapos na mapagtrabauhan ang bilang ng taon na nakasaad sa kontrata. Sa iyong kaso, lumagpas na ng dalawang taon ay hindi ka pa rin naka-uwi. Kung gayon, may karapatan ka na magreklamo kung iibigin mo. Maaari mo itong i-file sa Saudi Labor Office. Kung kakailanganin, tumawag ka sa representative ng ating embahada upang humingi ng tulong sa kanila kung papaano mag-file at upang may mag-assist sa’yo sa translation. Maaaroi kang tumawag sa numerong 4823559 o 4821802 kung ikaw ay nasa Riyadh o sa numerong 8941846 o 8942890 kung ika’y nasa Eastern Province. Tungkol naman sa 20% na dagdag sa sahod, ito’y nasa discretion pa rin ng kumpanya kung ibibigay nila bagama’t ipanapatupad ng kanilang pamahalaan. May mga kadahilanan din minsan ang kumpanya kung bakit di nila matugunan ang nasabing dagdag na sahod. - Max
Makakabalik pa kaya ng Saudi?
“Gud AM Sir. Magtatanong lang po kung pwede pa bang makabalik ng Middle East or any part ng Saudi? Hindi ko naipasa ang probationary period ko. 3 months lang ako sa Alkhobar. 33 y/o na ako at hirap po akong mag-apply now. Nag-renew po ako ng passport ko kahit ka re-renew ko lang dahil marami nagsabi na mag-change daw ako ng passport at yan ang ginawa ko. Please Sir, tulungan nyo po ako kasi gusto ko makaalis uli. Thank u po.” – Melchor Ocon
Hi Melchor, kung nag-exit ka sa iyong dating kumpanya, walang problema na di ka makakabalik sa Saudi. Kahit hindi ka na magpalit ng iyong passport at yung dating passport pa rin ang gamit mo dahil may tatak doon na ikaw ay nag-exit. Ang di lamang nakakabalik o makakapasok uli sa Saudi ay yung may mga exit/re-entry visa subalit sa ilang mga kadahilanan ay di bumalik sa dating kumpanya, bagkus nagbago ng passport upang lumipat sa ibang kumpanya. Tiyak na makikita sa record nila sa immigration ang tungkol dito, at dahil dito pababalikin ang nasabing manggagawa. - Max
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment