Wednesday, June 16, 2010

Sagupaang GMC Thunders at JIL Theos, Pinaka-hihintay sa PBL Season 5 Championship Game


Max Bringula (Abante ME Edition, 17 June 2010)

Pinakaka-abangan na ang sagupaang magaganap sa pagitan ng GMC Thunders, ang defending Champion ng PBL (Pag-asa Basketball League), at ng JIL Theos sa Championship Game ng PBL Season 5, Division A sa darating na Biyernes, 18 June 2010 sa Al Gosaibi Hotel Sports Complex, Alkhobar, Saudi Arabia.

Sa ikatlong pagkakataon, puntirya ng GMC Thunders na muling masungkit ang kampeonado upang kumpletuhin ang kanilang 3-straight win sa tatlong magkakasunod na season ng PBL.

Bagama’t nang una’y nalagay pa sa alanganin ang GMC nang maranasang magkaroon ng dalawang talo sa Elimination Round at tumabla sa koponan ng UR Divine Desert University at JCLORIM Warriors na naging dahilan upang magkaroon ng triple tie. Sa pamamagitan ng quotient system na ini-adopt ng PBL, nakapasok ang GMC Thunders at JCLORIM Warriors na siyang nagharap para sa knock-out game.

Sa score na 94-73 tuluyan ng naigupo ng GMC Thunders ang mahigpit nitong kalaban para makapasok sa Championship round. Hindi nakapiglas ang JCLORIM Warriors sa mabilis na pag-atake ng GMC Thunders sa natapos nitong laban noong Biyernes, 04 June 2010. Bagamat di pinalad ang mga Warriors, nakatindig pa rin ito at maluwag na tinanggap ang panalo ng kalaban.

Dahil dito, makakaharap ng GMC Thunders ang “team-in-waiting” na JIL Theos na di nakaranas ng talo sa round-robin Elimination na ginawa sa dalawang Division kung kaya’t automatic itong nakapasok sa Championship round sa Division A.

Tinitiyak na magiging kapana-panabik ang paghaharap na ito ng dalawang koponan na pawang naging kampeon na rin sa mga nakalipas na liga ng PBL (Pag-asa Basketball League). Ang JIL Theos ang kampeon sa Season 1, at ang GMC Thunders naman sa Season 3 and 4. Sisikapin ng JIL Theos na nagbabalik matapos magpahinga sa dalawang season na ulitin ang tagumpay na nakamit nang unang magsimula ang PBL. Ang “sleeping giant” ay muling babangon. Ito ang sigaw ng kampo ng Theos na sinagot naman ng grupo ng Thunders na “hindi pa tapos ang laban”.

Sumasabay sa init ng panahon ang pag-alab ng mga emosyon. Bawat isa’y naghahangad na hirangin na kampeon sa PBL Championship Game. Gayunpaman, ang pagiging magkakapatiran ay higit na nananaig kung kaya’t tiyak na ang labang ito’y isang kaaya-ayang panoorin.

Samantala, sa Division B ay maghaharap naman ang CCWIM at ang JCILSA para sa kampeonado. Tulad sa Division A, nagkaroon din ng triple tie sa division na ito sa pagitan ng JCILSA, JTLG at Living Water. Sa pamamagitan ng quotient system, ang JCILSA at Living Water ang siyang nagtunggali sa knock-out game na napagwagian ng JCILSA sa score na 101-87. Sinisigurado ng JCILSA na iuuwi nito ang tropeo ng kampeonado ng Division B sa laban nito sa CCWIM. Di naman nagpahuli ang CCWIM na kinakitaan ng liksi at galing sa naganap na Elimination Round kung kaya’t tinumba nito ang lahat ng kalaban sa Division nito at automatic na makapasok sa Championship Round.

Ang laban para sa Third at Fourth Placer ng torneo ay gaganapin naman sa darating na Huwebes, 17 June 2010, kung saan ang mga susunod na koponan ang maglalaban: Group A – JCLORIM Warriors vs. UR Divine Desert University
Group B – Living Water vs. JTLG.

Ang Awarding Ceremony ay nakatakdang ganapin din sa Biyernes, 18 June 2010, sa Al Gosaibi Hotel Sports Complex para sa magiging Mythical Five ng Division A at B, Best Coach, Most Improved Player, at Best in Sportsmanship. Pararangalan din ang koponang pinaka organize at disiplinado bilang Most Organized Team. Bukod sa mga ito, may mga tropeong nakalaan para sa 4th Placer and 3rd Placer, 2nd Place at 1st Placer o Champion.

Magkakaroon din ng isang Exhibition Game sa pagitan ng Jubail Selection (o ang Mangangaral) at Alkhobar Selection (o Pahayag) na ang mga manlalaro ay mga dating kasabayan ng Crispa – Toyota noong 70’s, kung kaya’t tiyak na di lang masaya at masigla ang labang ito, kungdi magiging isang kamangha-manghang laban. Inaanyayahan natin ang mga basketball aficionados na saksihan ang kapana-panabik na laban sa PBL Season 5 Championship Games.

No comments:

Post a Comment