Tuesday, August 25, 2009

"Akyat-Bahay" Umatake Na Naman

Max Bringula (Abante ME Edition, 23 July 2009)

Hindi na bago ang ganitong balita at marami na rin tayong narinig na mga kababayan natin na nabibiktima ng tinatawag na “akyat-bahay”.

Ito ang tawag natin sa mga pumapasok o sumasalisi sa ating tinitirhan o accommodation para magnakaw habang ang residente nito ay wala o maaaring natutulog. Ang ganitong pangyayari ay di lamang sa Pilipinas nagaganap kungdi maging dito rin sa atin.

Kamakailan lamang ay muling umatake ang ganitong kaganapan nang ibalita sa atin ni Ronald M. Macatong, Engineering Supervisor ng Al-Rushaid Construction Co. Ltd. (ARCC) dito sa Alkhobar na sila’y nilooban sa kanilang accommodation noong Lunes ng madaling araw (20 July) sa may 27th Street cor. Prince Fawaz, Alkhobar.

Ang building na kanilang tinitirhan ay tinatawag na staff house ng mga empleyado ng ARCC, at ito’y may dalawang palapag. Sa ikalawang palapag nito tumutuloy ang management staff ng kumpanya at sa unang palapag at ground foor nito ay ang mga rank-and-file staff. Mataas ang pader nito na nakalibot sa building at may karagdagang pintuan ito bago makapasok sa mismong accommodation o flat ng mga nakatira roon.

Subalit sa di malamang kadahilanan ay napagnakawan ang mga occupants nito sa may first floor at ground foor kung saan may dalawamput-lima (25) occupants, habang sila’y natutulog.

Ayon kay Ronald nang siya’y aking makausap, anim na kuwarto ang napasok at bawat residente nito ay nawalan ng pera. Tatlong pitaka ang kinuha kasama na ang kay Ronald at yung iba nama’y iniwan ang pitaka at pera lang ang kinuha. Bukod pa rito, may mga nawalan ng cellphones at laptop.

Masamang-masama ang loob ni Ronald pagkat nawalan siya ng tatlong-libong riyals at 200 dollars. Buti na lamang daw at di nakuha yung kanyang laptop at mga alahas.

Tinatayang mga banding alas-tres ng madaling araw nang umatake ang magnanakaw at hinihinala nilang maaaring gumamit ito ng spray na pampatulog pagkat wala sino man sa kanila ang nagising o nakaramdam na may pagnanakaw na nagaganap.

Nalaman na lamang nila ito nang ang isa nilang kasamahan ay nagising ng bandang alas-tres y medya dahil naalimpungatang nakabukas ang kanilang ilaw kung kaya’t ito’y tumayo upang patayin sana ito nang makita niya ang isang katutubo na maitim daw at kulot na papasok sa kuwarto nila. Nang siya’y makita, ito’y umatras at tumakbong papalabas. Doon na lamang nila nalaman ang pagnanakaw nang gisingin na silang lahat at sabihing sila’y nilooban. Nagpapasalamat naman ang iba dahil walang nasaktan o sinaktan sa kanila.

Gayunpaman, ibayong pag-iingat talaga ang dapat gawin natin. Tulad ng aking nababanggit sa mga nauna kong panulat, huwag basta-basta magpapasok pag di kilala at huwag basta magbubukas ng pinto kapag may kumakatok. Alamin muna kung sino ito.

Tiyaking nakasara lagi ang pintuan ng ating bahay. Lagyan ng double lock ang ating mga pintuan.

Maging mapagmasid sa ating kapaligiran sa mga kakaibang kilos o galaw ng iba.

Kaiba na ang ating kapanahunan kung kaya’t dapat maging maingat lagi.

(For comments and reactions, please eMail at
maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535)

No comments:

Post a Comment