Monday, August 24, 2009

Paghahanda sa Matinding Init ng Panahon


Max Bringula (Abante ME Edition, 20 June 2009)

Tinatayang mararanasan ang pinakamainit na temperatura sa bansang Saudi Arabia sa mga darating na araw. Ito ang iniulat ni Dr. Ali Shukry, Head ng Physics Department ng King Fahd University of Petroleum and Minerals (KFUPM) kung saan kanyang binanggit na ang temperatura sa Central at Eastern Region ay maaaring tumaas hanggang 60 degrees Celsius (o 140 degrees Fahrenheit) lalo na sa pagitan ng ika-labing-isa ng umaga hanggang ika-dalawa ng hapon (11 AM – 2 PM) sa 21 June 2009. (Halaw mula sa Riyadh News, 25 May 09).

Ngayon pa lamang ay nararanasan na ang kakaibang init kumpara ng mga nakalipas na taon. Mainit na na agad ang sinag ng araw sa umaga pa lamang, at mataas na humidity naman ang nararamdaman pagsapit ng gabi.

Sa mga ganitong panahon maaaring makaranas ang sinuman ng heat exhaustion o kaya’y ma-heat stroke.

Ayon sa Centers for Disease Control (CDC), ang heat exhaustion ay mararamdaman kapag nabilad ng matagal sa init ng araw o sa mataas na temperatura, kasama na ang pagkaubos ng body fluids o ma-dehydrate dahil sa labis na paglabas ng pawis sa katawan.

Ilan sa sintomas na tayo ay maaaring nakararanas ng heat exhaustion ay ang labis na tagagtak ng pawis, panghihina, pagkahilo, pagsakit ng ulo, panlalamig ng balat, paghinga ng mabilis at malalim (o yung halos hinahabol mo ang iyong hininga), at pagbagal ng iyong pulso.

Kapag naramdaman na ang ganito, tumawag agad ng tulong sa kasama upang ikaw ay maalalayan. Pumunta sa malilim at malamig na lugar at sikaping palamigin ang temperatura ng katawan sa pamamagitan ng pag-inom ng malamig na tubig, o kaya’y pagbuhos ng malamig na tubig sa katawan.

Ang heat stroke naman ay siya ng pinakagrabeng mangyayari sa sinumang mabibilad sa labis na init o mataas na temperatura. Nagkakaroon ng heat stroke kapag mabilis na tumaas ang temperatura ng katawan at mawalan ito ng abilidad na mag-pawis. Ang temperatura’y maaaring umabot ng 106 degrees Fahrenheit o mataas pa sa loob lamang ng sampu hanggang labing-limang minuto, at kung hindi maaagapan ay maaaring ikamatay o ikabaldado ng biktima.

Ayon pa rin sa CDC, ang sintomas ng heat stroke ay nag-iiba sa iba’t ibang indibiduwal, subalit ang pinaka-common na sintomas nito ay ang labis na pagtaas ng body temperature na aabot ng mahigit sa 103 degrees Fahrenheit, pamumula at panunuyo ng balat dahil sa di pagpapawis, malakas at mabilis na tibok ng pulso, labis ng sakit ng ulo, pagkahilo at pagsusuka.

Papaano maiiwasan ang Heat Exhaustion o Heat Stroke?

Narito ang mga recommended tips mula sa Centers For Disease Control upang makaiwas sa heat exhaustion o heat stroke kapag dumating ang matinding init ng panahon o mabibilad sa mataas na init ng araw:

1) Uminom palagian ng malamig na tubig (o non-alcoholic at non-caffeinated beverages). Samantala, iwasan ang sobrang malamig na inumin na halos nagyeyelo na dahil ito’y maaaring makapagdulot ng pananakit ng sikmura.

2) Palagiang uminom ng tubig sa buong maghapon kahit di nauuhaw. Kapag nakaramdam ng pagka-uhaw, ito’y maaari ng pagsisimula ng dehydration.

3) Magpahinga paminsan-minsan at wag masyadong pagurin ang sarili lalo na kung may kabigatan ang trabaho tulad ng mga nasa construction.

4) Magsuot ng manipis na pananamit.

5) Kung maaari, manatili lamang sa loob ng gusali lalo na kapag matindi na ang init ng araw o mataas na ang temperatura.

6) Kung may mapupuntahang malamig na lugar na air-conditioned ay doon manatili.

7) Gawing ugali na maligo. Have a cool shower o sponge bath.

Ilang sa mga practical tips na aking narinig ay ang pagdadala o pagbaon ng iodized salt. Ito raw ay kailangan upang mapalitan ang salt na lumabas sa ating katawan dahil sa labis na pagpapawis.

Doon naman sa mga nagtratrabaho sa disyerto o sa mga open na lugar, sikaping humanap ng masisilungan kapag tumaas ang init ng araw. Magsuot ng caps o anumang panakip sa ulo at gumamit ng sunglass. Maglagay o balutan ang mukha ng panyo o anu mang tela upang ito’y maingatan sa init ng araw.

Sa mga construction, kadalasa’y binabago ang oras ng trabaho kapag di na matatagalan ang init kung araw. Ang trabaho’y ginagawa sa gabi at sa araw ay ipinapahinga na lamang.

Ilang lang ito sa mga dapat tandaan at mga paghahandang dapat gawin pagsumasapit ang matinding init ng panahon.

Ang kalusuga’y mahalaga lalo na sa ating mga OFW’s kung kaya’t sikaping makapag-ingat sa anu mang magiging sanhi ng sakit o pagkasawi.

For more information on heat exhaustion and heat stroke, see the
CDC Web site.

(For comments and reactions, please eMail maxbringula@yahoo.com)

No comments:

Post a Comment