Sunday, August 23, 2009

Alikabok Muling Nanalasa

Max Bringula (Abante ME Edition, 16 May 2009)

Muling binalot ng “alikabok” ang kalawakan ng Alkhobar nung Sabado ng umaga nang muling magkaroon ng sandstorm sa bahaging ito ng Saudi Arabia.

Halos zero visibility ang kapaligiran dahil sa lakas ng pananalasa ng nasabing sandstorm na nagsimula madaling-araw pa lamang kung saan maging ang haring araw ay di makasilip at di maaninag ang kanyang dalang liwanag.

Suot ang mask na nabili ko ng one riyal sa may bakala sa ibaba ng aming accommodation, tinungo ko ang aking sasakyan na nasa parking area na noo’y puno na ng alikabok. Salamat na lamang dahil nang binabaybay ko na ang daan patungo sa aming opisina lulan ng aking Toyota Corolla ay medyo may kaunti ng liwanag na mababanaag, bagama’t binuksan ko pa rin ang park light ng aking sasakyan bilang pag-iingat na rin sa mga motorist na walang pakundangan sa kapwa motorista kapag nasa daan na.

Ang sandstorm kayang ito’y hudyat na matatapos na ang tag-init o simula ng mas higit pang init na mararanasan sa mga darating na araw at buwan? O ito’y senyales na malapit na ang pagpasok ng tag-lamig na imposible namang mangyari pagka’t nasa Mayo pa lamang tayo ng taong ito. Kadalasan, ang summer season dito sa Saudi Arabia ay tumatakbo mula Abril hanggang Hulyo at Agosto. Pero sa bansang ito, everything is possible. Unpredictable kasi ang weather dito. Laging sala sa init, sala sa lamig. Lalo na ang panahon. Minsan iinit, maya-maya ay lalamig at hahangin naman. Tulad din ng ugali o isip minsan ng mga katutubo rito – pabaligtad ang takbo. Kung kaya’t pati panahon ay ganoon din, hindi mo mawari kung uusad ba o bumabalik ulet.

OAV Registration sa Alkhobar, Sinimulan Na

Samantala, sinimulan naman nung Huwebes at Biyernes (14 & 15 May) sa Alkhobar ang registration para sa Overseas Absentee Voting para sa mga OFW’s na nagnanais na bumoto sa darating na halalan sa Mayo 2010. Ito’y ginanap sa International Philippine School in Alkhobar (IPSA) simula ng ala-nuwebe ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. Ang registration ay gagawin sa loob ng apat na weekends (Thursday and Friday) simula ng 14 May hanggang 05 June.

Ating hinihikayat ang mga kababayan natin sa Alkhobar at sa karatig pook ng Eastern Region tulad ng Dammam, Dhahran, Jubail, Ras Tanura, Qatif, at maging sa Khafji na makibahagi sa ehersisyong ito at ating gamitin ang karapatang binigay sa atin na bumoto. Tulad nga ng aking nabasa na panawagan ng isang kababayan natin na si Larry Estaq, I.T. Consultant/Administrator ng Mohammad Bukannan Group, Dammam, na ganito ang sabi -

Ikaw ay may PAKIALAM, isa kang Pilipino;

Ikaw ay may KARAPATAN, gamitin mo;

Ikaw ay may RESPONSIBILIDAD, gampanan mo;

Ikaw ay may MAGAGAWA, kumilos ka!

Kaya ikaw, ako, tayong lahat; maki-alam, gamitin ang karapatan; dahil may responsibildad at may magagawa para sa pagbabago ng Bayan.

Tara tena, kabayan. Magpa-rehistro na. Now na!

(For comments and reactions, please eMail
maxbringula@yahoo.com)

No comments:

Post a Comment