Max Bringula (Abante ME Edition, 24 May 2009)
Sadyang nakalulungkot isipin ang kalagayan ng ating bayan, kung saan ang mahihirap ay lalo pang naghihirap at nababaon sa kahirapan, samantalang ang mga mayayaman ay lalo pang yumayaman at nananagana.
Ayon sa pag-aaral na isinagawa ng National Statistical Coordination Board (NSCB), ang bilang ng mahihirap na Pilipino ay umakyat sa 27.6 million nung 2006 na mas mataas ng 16 percent sa 23.8 million nung 2003. At ayon naman sa survey ng IBON Foundation, 71.7 percent ng mga Pilipino ay nagsasabing sila ay mahirap.
Itinuturing ang bansa natin na isa sa mga “poor country” in Asia, or in the world, if not the poorest. Isang nakalulungkot na katotohanan, lalo na’t kung iisipin na tayo ay tinitingala nung araw bilang isang maunlad na bansa, pangalawa sa Japan. Subalit ngayon, halos nasa dulo tayo sa listahan ng tinatawag na third world countries.
Ang bagay na ito’y madarama mo sa tahanan ng bawat ordinaryong Juan dela Cruz kung saan karamiha’y nagsisikap itawid ng gutom ang pamilya, na wag sasala sa pagkain ng tatlong beses isang araw. Ito’y makikita mo sa bilang ng mga bata na nasa lansangan, ng mga dumaraming squatters at side-walk vendors. Ito’y mapapansin mo sa rami ng umaalis ng bansa araw-araw upang magtrabaho bilang mga overseas Filipino workers o OFW.
Sabi sa report ni Dr. Romulo A. Virola, Secretary-General ng NSCB, ang isang pamilya raw na may limang katao ay dapat kumukunsumo ng 6,274 pesos per month sa kanilang basic needs na pagkain, tirahan at pananamit, kasama na ng edukasyon o 209 pesos kada araw, upang di mapabilang sa tinatawag na “mahirap”. Ito ang poverty threshold o sukatang ginamit ng sangay na ito upang matukoy kung sino-sino ang mahirap o hindi. Kung iisipin ay napa-conservative na nga ng threshold figures na ginamit ng NSCB upang sukatin ang kahirapan sa Pilipinas. At kung susuriin ng maigi, mas mababa pa rito ang reyalidad na nagaganap at nakikita natin na kahirapang nararanasan ng karamihang Pilipino. Ganito na nga kalala ang kahirapan sa atin
Sino ang dapat sisihin?
Sabi ng isang kababayan na aking narinig, “Masyado kasing corrupt ang ating gobyerno. Walang inatupag at alam gawin kungdi ang mangurakot sa halip na isalba ang kalunos-lunos na kalagayan ng bawat mamamayang Pilipino”.
May katotohan. Subalit kung sisiyasating maigi ang tunay na kadahilanan ng kahirapang ito, mapag-iisip-isip natin na tayo rin ang may kagagawan. Ikaw at ako.
Una, dahil tayo rin naman ang pumili ng mga manunungkulan sa ating bayan. Tayo ang nagluklok sa kanila sa trono. Dahil lang sila ay sikat, binoto na natin kahiman wala pang napatunayan na nagawa sa bayan. Dahil lamang sa isang kilong bigas, sa isang-daan o limang-daang piso na ating natanggap ay ibinoto na natin agad ang kandidatong namudmod sa iyo ng salapi na kung saan galing ay di mo na alintana. Ang mahalaga may pera kang hawak.
Sino ang dapat sisihin? Ang pamahalaan ba, o tayo? Kung kaya’t sa darating na halalan, tiyaking gamitin ang karapatan ng tama. Iboto ang nararapat at wag magpapadala sa tamis ng pananalita at sa dami ng salaping lumalagpak sa iyong palad.
Ikalawa, tingnan natin ang ating sarili. Suriin. May naibahagi na kaya tayo sa ikalulutas ng problema ng kahirapan, o tayo pa ang nagiging sanhi upang ito ay mas lalo pang lumaganap?
Kung papansinin, bagama’t sinasabing naghihirap ang Pilipinas, lagi pa ring puno ang mga malls, sinehan, restaurants, at mga concert halls na ang ibig sabihin ay marami pa ring pera na nagagastos ang Pinoy, o sadyang mahilig lamang talaga tayo sa good time, na kung tutuusin ay isa sa mga sanhi kung bakit di tayo agad umaasenso. Mas inuuna natin ang layaw ng katawan kaysa mag-impok para sa kinabukasan o makapag-isip ng sariling mapagkikitaan.
Ang masaklap pa niyan, marami sa atin ang ayaw na talagang magtrabaho at umaasa na lamang sa perang ipinapadala ng magulang, asawa o kapatid na nagpapakahirap magtrabaho sa labas ng bansa.
Ayaw magtiyaga, ayaw magtiis, ang gusto’y “instant” lahat, pati na ang pagyaman. Ang nais ay isusubo’t ibibigay na lang. Ayaw magbanat-banat ng buto.
Sa inaugural address ni John F. Kennedy nung 1961 bilang Pangulo ng Estados Unidos, kanyang sinabi ang ngayo’y bantog na na kasabihan, “ask not what your country can do for you – (but) ask what you can do for your country.”
Tanungin mo ang sarili “may nagawa na nga ba ako?”
Ito ang solusyon sa kahirapang nararanasan – ang tayo ay kumilos, magbago ng puso’t isipan at higit sa lahat, ang manumbalik sa Poong Maykapal.
Sabi ng Kanyang Salita, “If my people, who are called by my name, will humble themselves and pray and seek my face and turn from their wicked ways, then will I hear from heaven and will forgive their sin and will heal their land.” (2 Chronicles 7:14)
Bayan Ko, May Pag-asa Ka Pa!
(For comments and reactions, please eMail maxbringula@yahoo.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Nice article!, Tao nga rin naman talaga ang gumagawa ng sarili nilang problema, lagi mo nalang maririnig na sa huli ang pagsisisi. Napakadaming kung gustong itanong kung bakit ganito ang sitwasyon ng bayan natin, pero gulong-gulo na rin ako sa mga sagot na hindi mo malaman kung sino ang tama. Sa paniniwala ko, Hanggat hindi magkakaintindihan ang mga tao, lalo lamang magpapatuloy ang "GULO". Ako bilang isang pilipno, ang tangi ko nalang magagawa ay Ipag dasal sa Panginoon na sana dumating na ang taong makaka pagbago sa Pilipinas at sa ating kapwa Pilipino.
ReplyDelete