Monday, August 24, 2009

Isang Masigla at Matagumpay na Selebrasyon, Nasaksihan sa EP, K.S.A.

Max Bringula (Abante ME Edition, 17 June 2009)

Isang matagumpay at masiglang selebrasyon ang idinaos sa Eastern Province, Saudi Arabia nitong nakaraang Biyernes sa International Philippine School in Alkhobar (IPSA) sa pagdiriwang ng 111th Philippine Independence Day at 14th Migrant Workers Day.

Umagang-umaga pa lang ay dagsa na ang mga Pilipino sa IPSA. Bawat isa’y may taglay na ngiti, sigla at pananabik sa programang nakahanda sa araw na iyon.


Sandaling nalimot ng mga OFW’s na dumalo sa naturang okasyon ang “homesick”, lungkot at pangungulila, problema at hirap sa trabaho nang kanilang masaksihan ang natatanging mga bilang na inihanda para sa kasiyahan ng mga OFW’s na nagtratrabaho sa Eastern Province.

Ilan sa mga ito ay ang Ati-Atihan mula sa grupo ng Ro-Akeanon, ang “Noon, Ngayon at Bukas – a Glimpse of Independence”, isang natatanging presentasyon mula sa mga estudyante ng Philippine School in Dammam (PSD), International Philippine School in Alkhobar (IPSA), at Al-Andalus International School (AAIS), kasama ang Society of Performing Arts (SPA), Medea at Filipino Pop Music Club (FILPOP), ang Final Match ng Individual Singing Contest sa iba’t ibang kategorya ng Kids, Teens, Adults at Pwede Pa Kami (or the not-so-adult), at ng Choir Competition, ang PNE Sings for FREEdom mula sa world-renown Prime Note Ensemble, at ang pinaka-aabangang “Musical Extravaganza – Hatid Saya Mula sa BPI at DOLE-OWWA” kung saan ang piling panauhin ay si Richard Reynoso.

Masisiglang awitin ang ipinarinig ni Reynoso tulad ng “Bongga ka Day”, at iba pang OPM songs ng 80’s at 90’s. Lubha namang ikinatuwa ng lahat ang pag-awit niya ng mga awitin ni Martin Nieverra at ang style nito sa pag-awit. Umawit din siya ng medley ng mga walang-kamatayang Filipino love songs tulad ng “Dahil Sa’Yo”, “Hindi Kita Malimot”, “Ang Tangi Kong Pag-ibig”, “Saan Ka Man Naroroon”, at marami pang iba. Halos ayaw ng paalisin si Reynoso ng manonood na sabik-sabik sa mga palatuntunang ganito at mga awiting Pilipino na nagpapa-alala at nagpapanumbalik ng kanilang pagmamahal sa bayang sinilangan.

Samantala, ang mga nagsipagwagi sa Individual Singing Contest ay ang mga sumusunod: Sa Kids Contenders, Angelica Aranas (Champion) na umawit ng “Dakilang Lahi”, Daryl Joy Hanna Cipriano (first runner-up), Jawiyah Cortez (second runner-up), Angelika Saul (third runner-up) at Danica Vencer (fourth runner-up). Sa Teens Contenders, Timothy John Gamol (Champion) na umawit ng “Tuwing Umuulan at Kapiling Kita”, Jofrey Toni Pendon (first runner-up), Katrina Pocioncula (second runner-up), Alissa Andrea Liangco (third runner-up) at Jeanne Eledia (fourth runner-up). Sa Adults Contenders, Darwin Papasin (Champion) na umawit ng “Salamin ng Buhay”, Josephine Cruz (first runner-up), Danilo Timbol (second runner-up), Yolando ‘Bong” Buella (third runner-up) at Jaypee Vega (fourth runner-up). Sa “Pwede Pa Kami” Contenders, na labis na kina-aliwan ng mga manonood, nasungkit ni Leonardo Lapira ang tropeo bilang kampeon sa kanyang pag-awit ng “Sana’y Wala ng Wakas”. It’s a sweet victory para kay Mr. Lapira ang pagkapanalong ito pagkat nung araw ding iyon ay nagdaraos siya ng kanyang kaarawan. Ang iba pang nanalo sa kategoryang ito ay sina Benjamin Pujeda (first runner-up), Ronald Conde (second runner-up), George Palencia (third runner-up) at Edwin C. Aquino (fourth runner-up).

Sa Choir Competition naman, itinanghal na kampeon ang Saring Himig Choir at ang The Harmonicans Choir ang siyang runner-up

Naging espesyal na panauhin din ang TFC Popstar Champion na si Kimverlie Molina na nagpaunlak ng pag-awit kasama ang mga contenders sa Individual Singing Competition.

Pinarangalan din ang mga nahirang na kampeon sa 2009 First Ambassador’s Cup Volleyball Tournament tulad ng Mohammed Al-Dossary Hospital sa Women’s Division at Purefoods Cooked Beef sa Men’s Division.

Nagkaroon din ng pamamahagi ng iba’t ibang mga prizes at give-away items mula sa mga sponsors, at free medical services and consultation na pinangunahan ng Society of Health Care Workers (SOFCARE), kasama ang Mohammed Al-Dossary Hospital, Alpha Phi Omega (APO-Dhahran), at Filipino Overseas Workers Association (FOWA).

Samantala ang Mohammed Dossary Hospital ay nagkaloob naman ng libreng pagpapagamot sa isang OFW na naroroon at humingi ng tulong upang siya’y mapagamot sa sakit na kidney. Ang nasabing tulong ay karagdagan sa salaping kanyang natanggap mula sa tulong din ng mga kapwa-Pilipinong naroroon.

Tunay nga na ang selebrasyon ito’y maituturing na tagumpay na nagdulot ng ibayong saya at sigla sa bawat puso ng OFW na nakibahagi sa pagdiriwang ng 111th Philippine Independence Day at 14th Migrant Workers Day.

Ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa dakong bahaging ito ng Gitnang Silangan ay muling namalas at nadama. Nawa’y ang simulaing ito’y magpatuloy sa mga darating pang pagdiriwang tulad nito.

Sa bawat Pilipino at OFW’s, mabuhay po kayong lahat!

(For comments and reactions, please eMail
maxbringula@yahoo.com)

No comments:

Post a Comment