Monday, August 24, 2009

Mabilis na Pagtaas ng Swine Flu Cases, Nakaka-alarma


Max Bringula (Abante ME Edition, 24 June 2009)

Nasa Level 6 na o pandemic alert ang sakit na Swine Flu o ang Influenza A(H1N1) virus. Ayon sa huling report ng World Health Organization (WHO) dated 19 June 2009, may 44,287 reported cases na ng swine flu sa walumput-walong (88) bansa sa buong mundo. Pinakamarami rito ay ang Amerika na nagtala ng 17,855 cases at sinundan ng Mexico na mayroong 7,624.

Samantala, sa loob lamang ng mahigit kumulang na isang buwan, ang Saudi Arabia ay mayroong 22 cases na mula nang unang magkaroon ng swine flu dito nitong 27 May 2009 lamang. Apat dito ay pawang mga Piipino na nagtratrabaho bilang mga nurse.

Sa Pilipinas nama’y nagkaroon na ng community-level outbreak ang sakit na ito sa Bgy. Hilera sa Jaen, Nueva Ecija. Ito’y makalipas ang halos isang buwan lamang mula ng magkaroon ng kauna-unahang swine flu case sa Pilipinas noong 19 May 2009. Sa ngayon ay may 311 reported swine flu cases na ang Pilipinas.

Kung susuriin ang mga bilang na ito, masasabing nakaka-alarma nga ang mabilis na pagkalat ng Influenza A(H1N1) virus simula nang una itong madiskubre sa Mexico dalawang buwan na ang nakaraan. Kung kaya’t di na nag-atubili ang World Health Organization na itaas ito sa Level 6 alert na ang ibig sabihin ay mayroong widespread human infection at community-level outbreak sa anim na rehiyon ng WHO (ang African Region, Americas, Eastern Mediterranean, European, South-East Asia at Western Pacific).

Dahil dito mas lalo pa dapat pag-igtingin ang pag-iingat ng bawat isa upang di dapuan ng Influenza A(H1N1) virus. Bagama’t di naman lethal (o nakakamatay) ang nasabing sakit pagkat wala pang isang porsiyento ang bilang ng death toll na 180 lamang out of 44,287 cases, kung saan ang pinakamarami ay sa Mexico na 113 o 63%. 24% sa Amerika, at ang natitirang 13% ay sa 8 bansa. Pawang zero naman ang nalalabing 78 countries na may swine flu cases.

Subalit di dapat ipagwalang-bahala ang bagay na ito. Masusing pag-iingat ang dapat gawin. Sa June 09 issue ng ating Tinig sa Disyerto (Pag-iingat sa Swine Flu, Dapat Pag-ibayuhin), ating nilathala ang mga dapat malaman tungkol sa Influenza A(H1N1) virus at kung paano siya lumalaganap at kung ano ang mga dapat gawin para makaiwas sa sakit na ito. Mag-eMail lamang sa inyong lingkod kung nais makakuha ng sipi o kopya ng nasabing lathalain.

************************

Iba’t Ibang Modus Operandi

Ating pinapaalalahanan ang ating mga kababayan na mag-ingat kapag sila’y maglalakad sa mga kalsada ng Alkhobar, Dammam at maging sa Riyadh at Jeddah.

Ito’y sa dahilang patuloy na nananalasa ang mga kawatan sa ating paligid na kadalasan ay mga kabataang naka-motorsiklo at biglang hahablutin ang iyong celfon kung ito’y iyong hawak-hawak o nakasabit sa iyong bulsa. Ngayon ay mag bago na silang pinupuntirya, ito ay ang back pack na madalas ay siyang gamit na maraming Pinoy, na marahil ay iniisip nilang may laman na laptop at iba pang mga mahahalagang gamit.

Kamakailan lamang ay may kasama tayong hinablot ang kanyang back pack habang naglalakad sa Alkhobar. Nakaladkad ang ating kababayang ito at tumama ang kanyang ulo sa matigas na bahagi na siyang ikina-walang-malay niya. Buti na lamang ay may mga kababayang tayong sumaklolo at siya ay nadala agad sa ospital.

Iba’t ibang modus-operandi ang naiisipan ngayon tulad ng laglag-pera kung saan kunwari ay may nakitang pera ang mangbibiktima sa may kalsada, at ikaw na nakakita ay sasabihin niya na paghatian nyo na lamang ang pera, tutal ay wala namang nakakitang iba at wala ng aangkin niyon. At kung ikaw ay mabitag sa pain niya at maghangad din sa nasabing salapi, siguradong celfon mo at pera ang matatangay niya kasama ng kanyang mga kasabwat pala.

Minsan naman makikipagsiksikan ang mga iyan sa pila sa mga remittance center kung ika’y magpapadala. Wala kang kamalay-malay, nadurukutan ka na pala.

Maraming pang mga salaysayin na tulad nito ang maririnig mo sa ating mga kababayang nabibiktima. Kung kaya’t dobleng pag-iingat ang dapat gawin. Huwag maglalakad ng mag-isa. Sikaping may kasama kapag lalabas para mamili o magpapadala ng pera. Wag maglalabas ng celfon o mahahalagang bagay kapag nasa daan. Maging listo kapag naglalakad. Igala ang paningin upang malaman kung may kakaibang kilos ang mga nakakasabay. Huwag daraan sa madidilim na lugar.

Ibang-iba na talaga ang panahon ngayon dito sa Saudi Arabia kumpara noong mga 80’s at early 90’s. Dati-rati ay bibihira kang makakarinig ng ganitong mga pangyayari. Subalit ngayon, talamak na ang pagsusulputan ng iba’t ibang modus-operandi na naiisipan nila. Tiyak na ito’y sanhi rin ng kahirapang nararanasan ng buong mundo.

Upang tayo’y wag mabiktima ng iba-ibang modus operandi, mag-ingat at maging listo at wag maniniwala agad lalo na’t kung ito’y di lubos na kilala.

(For comments and reactions, please eMail
maxbringula@yahoo.com)

No comments:

Post a Comment