Max Bringula (Abante ME Edition, 09 June 2009)
Kumpirmado na nakapasok na ang swine flu o ang influenza A(H1N1) virus sa Saudi Arabia. Ito ang iniulat ng Associated Press at Reuters noong Miyerkules, June 03. Ang nasabing sakit ay natagpuan sa Filipina nurse na dumating sa Riyadh lulan ng Gulf Air galing Pilipinas noong Biyernes, 27 May. Ayon sa report, wala namang sintomas ng sakit nang dumating ang Pilipina. Nagsimula na lamang ito ng Lunes nang siya’y lagnatin. Sa mga pagsusuring isinagawa, nakumpirmang positibo ang Filipina nurse noon lamang Miyerkules sa H1N1 virus o mas kilala sa tawag na Swine Flu.
Dahil dito ibayong pag-iingat ngayon ang ipinapatupad ng bansang Saudi Arabia upang di na lumaganap pa ang nasabing sakit. Samantala, inaalam naman kung sino ang mga nakasama ng Pilipina sa nasabing flight at maging sa hospital na pinagdalhan sa kaniya.
Malawakan na nga ang paglaganap ng sakit na ito kung saan ay nasa Level 5 na ayon sa World Health Organization (WHO) o isang level na lang para tawagin siyang Epidemic o Pandemic in nature. Sa kanilang pinakuhuling report dated June 5, mayroon ng 29,140 cases of influenza A(H1N1) infection mula sa 69 countries sa buong mundo, kasama na rito ang Pilipinas na may 29 cases at ngayon nga’y sa Saudi Arabia na nagtala ng isang swine flu case. Ang death toll ay umabot na sa 125 kung saan 103 rito ay mula sa Mexico. (Mula sa WHO Update 44 Influenza A(H1N1) Report)
Upang di na lumaganap pa ng husto ang sakit na ito, ibayong pag-iingat ang dapat na isagawa ngayon, di lang ng pamahalaan kungdi ng bawat isa.
Bilang paghahanda at upang makaiwas sa sakit na ito, narito ang mga dapat nating malaman tungkol sa Influenza A(H1N1) Infection:
Ano ba ang mga sintomas ng Influenza A(H1N1) Infection?
Katulad sa ordinaryong influenza (o trangkaso), ang sintomas nito ay ang lagnat, pananakit ng katawan o sakit ng ulo, panghihina, kawalan ng ganang kumain at pag-ubo. Maaaring makaranas din ng baradong ilong, pamamaga ng lalamunan, pagkahilo, pagsusuka at pagtatae.
Kung may mararamdaman sa mga nabanggit, agad magpa-konsulta sa doctor upang maagapan agad kung mayroon mang infection ng H1N1 virus.
Papaano naman lumalaganap ang sakit na ito o paano mahahawaan nito?
Ang paglaganap sa tao ng swine flu ay pinaniniwalaang pareho rin sa paglaganap ng ordinaryong trangkaso. Ito ay sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing. Maaari ring mahawahan ang isang tao sa pamamagitan ng paghawak niya sa mga bagay na nabahiran ng virus, at pagkatapos nito’y ang paghipo o paghawak sa kanyang ilong o bibig.
Wala pa namang patunay na lumalaganap ang swine flu sa pamamagitan ng pagkain, kasama na rito ang ulam na baboy na wastong inihanda o niluto. Ang pagluto ng pagkain sa temperaturang higit sa 70 degrees centigrade (o 160 farenheit) ay kailangan para mamatay ang virus na nasa pagkain.
Ano ang mga dapat gawin upang makaiwas sa sakit na ito at di mahawahan?
Dahil ang bagong H1N1 swine flu virus ay ibang-iba sa mga naunang H1N1 virus, ang mga bakuna para sa ordinaryong trangkaso ay hindi makapagkakaloob ng proteksiyon laban sa swine flu.
Dapat sundin ang mga sumusunod na payo para maiwasan ang sakit na ito:
1) Panatilihing malinis at hugasan ng mainam ang mga kamay. Maaaring gumamit ng pamahid sa kamay na base sa alcohol, o kaya’y gumamit mismo ng alcohol bilang karagdagan sa paglilinis ng kamay.
2) Iwasan ang paghipo sa bibig, ilong at mga mata.
3) Agad na hugasan ng sabon ang mga kamay kung ang mga ito ay nabahiran ng sipon, laway o plema.
4) Takpan ang ilong at bibig kapag bumabahing o umuubo.
5) Huwag dumura. Parating balutin ng tissue ang mga lumalabas na galing sa ilong at bibig at itapon ng maayos ang tissue sa basurahan na may takip.
6) Magsuot ng N95 mask kapag nakaranas na ng mga sintomas ng trangkaso. Magpatingin kaagad sa doktor.
7) Huwag pumasok sa trabaho o sa paaralan kung ikaw ay nagkaroon ng mga sintomas ng trangkaso.
Iwasan ang pagbiyahe sa mga naapektuhang lugar maliban kung ito ay talagang kailangan. Kung hindi maiwasan ang nasabing pagbiyahe, gawin ang mga sumusunod:
1) Habang nagbibiyahe, magsuot ng N95 mask at huwag dumikit sa mga taong may sakit.
2) Sa pagbalik, suriin ang inyong kalusugan at magsuot ng N95 mask sa loob ng pitong araw. Kaagad na kumonsulta sa klinika o ospital kung kayo ay nagkaroon ng lagnat o ng mga sintomas ng trangkaso.
May mga medisina na ba para mapuksa ang swine flu virus?
Nirerekomenda ng Center for Disease Control and Prevention (CDC) ang oseltamivir o TAMIFLU, isang anti-viral agents na maaaring makabawas sa paglala at pagtagal ng karamdaman, subalit dapat itong gamitin ayon sa payo at reseta ng doctor.
Samantala, tuloy ang Seminar on H1N1 Virus na isasagawa ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh sa Saudi Arabia para sa mga Filipino expatriates upang mabigyan ng higit na kapaliwanagan ang mga OFW’s tungkol sa sakit na ito at kung paano makakaiwas dito. Ito’y gaganapin sa Al Taj International School in Riyadh sa 26 June sa ganap na ika-walo ng umaga hanggang ika-lima ng hapon. Inaanyayahan ang mga kababayan natin na dumalo sa mahalagang seminar na ito.
Para sa katanungan sa nabanggit na seminar, maaari tumawag sa mga sumusunod:
1) Welfare Officer Jose Tomas V. Octavio – 0565094862
2) Ms. Estrella Tongio – 0535936595
3) Mr. Noel C. Chavez – 0542854953
O kaya’y sa numbero ng Embahada na 482-3559 o 480-1918 o mag-eMail sa filembry@sbm.net.sa.
(For comments and reactions, please eMail maxbringula@yahoo.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment