Sunday, August 23, 2009

Papaano ba Aawiitin ang Lupang Hinirang?

Max Bringula (Abante ME Edition, 19 May 2009)

Papaano nga ba aawitin ang ating Pambansang Awit, ang “Lupang Hinirang”? Ito marahil ang katanungang naglalaro ngayon sa isipan ng mang-aawit na si Martin Nievera matapos na makatanggap na maraming puna sa loob at labas ng bansa sa pagkaka-awit niya ng “Lupang Hinirang” sa boxing match ni Pacman sa Vegas.

Sinasabing binago raw ni Martin ang pag-awit nito. Aking napanood ang nasabing kontrobersiyal na pag-awit at doo’y napansin ko nga na sa simula’y malumanay ang pag-awit na siya namang tama, subalit nang papalapit na sa dulong bahagi, ito’y naging mabilis at maragsa at tumaas ang tono na halos ikapiyok niya. Buti na lang, nabawi niya ito.

Dahil dito ang tinuturing na Concert King ayon sa mga nakakaunawa ay maaaring makasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 8491 o ang tinatawag na 1998 Flag and Heraldic Code of the Philippines kung saan binabanggit na ang pag-awit sa Lupang Hinirang ay dapat ayon sa orihinal na “musical arrangement and rendition” ng kumatha nito na si Julian Felipe. Ang parusa sa ganitong paglabag ay pagmumulta ng limang-libong piso o pagkakabilanggo ng hindi hihigit sa isang taon, o kaya’y parehong pagpataw ng nasabing parusa.

Subalit ito’y mariing itinanggi ni Martin. Tama lang daw ang kaniyang pagkaka-awit.

Kung gayon, papaano nga ba aawitin ang Lupang Hinirang?

Hindi naman siguro mahirap sagutin ang tanong na ito na kahit isang musmos na bata sa kindergarten ay alam kung papaano ito aawitin.

At papaano nga ba? Titindig dapat ng matuwid, iiwanan o ititigil panandali ang ginagawa, ilalagay ang kanang kamay sa dibdib, titingin sa watawat, sabay buka ng bibig habang sinasabayan ang kumpas ni titser at pag-awit ng “Bayang Magiliw, Perlas ng Silanganan. Alab ng puso sa dibdib mo’y buhay. Lupang Hinirang, duyan ka ng magiting. Sa manlulupig, di ka pasisiil”.

Hindi naman pala mahirap awitin kung saan kahit isang paslit na bata ay makaka-awit nito ng buong ningning. You don’t need to be a concert king or a balladeer to sing it, and sing it well. Ang kailangan lamang pala ay taglay ang dalisay na puso at malinis na pakay kapag aawit nito, tulad ng isang bata, at hindi upang ipagmalaki sa buong mundo na tayo ay magaling na mang-aawit. Ito ang tamang pag-awit ng Lupang Hinirang.

Malapit-lapit na ang pagdiriwang ng ating Kalayaan at ito’y sa June 12. Nawa’y sa pag-awit natin ng Lupang Hinirang bilang pagpupugay sa nakamit na kasarinlan, tiyaking tama ang lyrics ng ating awit at nasa tamang tono at bilis.

Embassy On-Wheels Muling Gaganapin sa Alkhobar

Inihayag kamakailan ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh, Saudi Arabia, na muling dadalhin ang Embassy On-Wheels sa Alkhobar sa darating na 28 at 29 ng Mayo ng taong kasalukuyan para sa kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa sa Eastern Region, Saudi Arabia. Ito’y gaganapin sa International Philippine School in Alkhobar (IPSA) sa sumusunod na petsa at oras:

Thursday, 28 May – 8:00 AM to 5:00 PM
Friday, 29 May – 8:00 AM to 12:00 PM

Ang Embassy On-Wheels ay buwanang ginagawa ng Embahada sa mga Filipino expatriates sa Eastern Region para sa mga serbisyong consular tulad ng:

1. Passport renewal

2. Authentication of documents
3. Notarials
4. Report of Birth
5. Report of Marriage
6. Requirements for RA 9048 (correction of clerical error in the birth certificate)
7. Requirements for RA 9225 (re-acquisition/retention of Philippine citizenship)

Para sa mga katanungan tungkol dito, tumawag lamang sa telepono 482-3559 o 480-1918, o mag-eMail sa
filembry@sbm.net.sa.

Panawagan ng mga OFW’s sa Khafji

Hinihiling ng mga overseas Filipino workers sa Khafji na siyang border ng Kuwait at Saudi Arabia, na magkaroon din ng Overseas Absentee Voting registration sa kanilang lugar tulad ng nagaganap ngayon sa Alkhobar, sa Riyadh at sa Jeddah.

Ayon kay Alvin Jimenez ng Consolidated Contractors Co. sa Al-Khafji, KSA, marami raw sa kanila ang nagnanais na makaboto sa nalalapit na halalan sa 2010. Subalit ang problema’y di sila makapag-rehistro sa dahilang malayo ang kanilang lugar sa Riyadh o maging sa Alkhobar, at wala rin silang oras na makapunta o makababa dahil na rin sa trabaho. Kung kaya’t hinihiling nila sa mga kinauukulan na kung maaring magkaroon din ng OAV registration sa kanilang lugar kahit dalawang araw lang tulad ng Huwebes at Biyernes.

Sinabi naman ni Ellene Sana ng Center for Migrant Advocacy Philippines (CMA) na kailangang gumawa sila ng petition letter na galing sa mga Filipino community groups or organization doon at ito’y i-submit sa Philippine Embassy in Riyadh para maaksiyunan ang kanilang kahilingan. Ito’y kailangang gawin agad pagkat ang OAV registration period ay magtatapos na sa August 31.

(For comments and reactions, please eMail
maxbringula@yahoo.com)

No comments:

Post a Comment