Max Bringula (Abante ME Edition, 25 July 2009)
Upang mailahad ang panig ni Albert Guanzon patungkol sa opisyal na pahayag ng Bantay OCW na nailathala sa column na ito noong Huwebes, 16 July 2009, at sa Advisory to the Public na inilabas kamakailan ng POLO-Eastern Region Operations sa mga Pilipino sa Saudi Arabia, particularly sa Eastern Province, ating sinikap na makausap si Albert upang hingin ang kanyang pahayag.
Wika ni Albert na siya’y labis na nalungkot sa mga pangyayari pagkat wala naman daw siyang tanging hangarin kungdi ang makatulong sa kapwa niya OFWs na lumalapit sa kanya at tumatawag upang humingi ng tulong. Na sa pagnanais niya na sila’y tulungan siya’y nalalagay sa alanganin at kapahamakan.
Ang kanya raw pagtulong ay tapat at hindi siya naghihintay ng ano mang kapalit. Kanyang inamin na tumanggap nga siya ng halaga na isang libong Riyals mula kay Vilma, isang runaway worker upang gamitin sa pagkuha ng work permit. Subalit nang di ito naisakatuparan ay kanyang itinabi na lamang para may pera si Vilma kapag uuwi na. Sa kadahilanang naka-uwi na si Vilma at di na sila nagkita, ini-remit nya na lamang ang halaga noong 12 May at 31 May 2009 nang ang huli’y sumulat sa POLO-ERO tungkol sa halagang ibinigay niya kay Albert.
Ang paggamit niya ng pangalang POLO-ERO o ang pagpapakilalang siya’y taga-POLO-ERO ay walang katotohanan, ayon kay Albert. Ang tangi niya lamang sinasabi sa mga tinutulungan niya ay sila’y kabahagi ng POLO-ERO bilang mga volunteer workers o ACP’s (accredited community partner). Maaaring ganoon ang tingin o pagkaka-akala ng mga distressed OFW sa kaniya na siya’y taga-POLO-ERO subalit hindi ito ang pagpapakilala niya sa sarili, ang idinugtong pa ni Albert.
Tungkol naman sa pahayag ng Bantay OCW, ipinaalam ni Albert na totong dati siyang nagprisinta kay Susan K na maging taga-ulat sa programa nito sa DZRB Radyo ng Bayan at maging sa NBN Channel 4, subalit ngayon ay di na siya konektado rito at maging ang grupo niya na itinatag ay pinalitan niya na ng pangalan pati na ang paggamit sa logo nito. Ito’ tatawagin na lamang niya na Bantay OFW.
Gayunpaman, sisikapin pa rin daw niya na makapagbigay-ulat sa programa ni Susan sa pribadong paraan. Idinagdag din niya na siya’y lubos na nagpapasalamat kay Susan K sa oportunidad na ibinigay nito sa kanya nang siya’y nag-uulat pa rito.
(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment