Max Bringula (Abante ME Edition, 12 July 2009)
Nakakabahala ang iba’t ibang kaganapan na ating nababalitaan ngayon na pagpatay, pagnanakaw, panloloko at pananamantala kung saan mga kapwa natin Pilipino ang kadalasang sangkot bilang biktima o kaya nama’y salarin.
Ang nakakalungkot na balita sa Pilipinang pinatay ng kapwa Pilipina noong Lingoo, 28 June 2009, ay isang halimbawa nito. Ang iba’y di makapaniwala na magagawa ito ng isang Pilipino sa kapwa niya Pilipino lalo na sa lugar na ito kung saan napakahigpit ng batas na umiiral.
Subalit di makakapag-sinungaling ang ebidensiyang nakalap ng kapulisan tulad ng fingerpints at ang mismong statement na ibinigay ng salarin na siya nga ang pumatay. Marami kasi ang maaaring mangyari kapag ang isang tao’y nagpupuyos sa galit. Napag-alaman na may history ng pagka-bayolente ang salarin at ang alitan ng dalawa ay malalim ang pinagka-ugatan. Dito’y parehong Piipino ang biktima at ang may gawa ng krimen.
Mula naman sa mapagkakatiwalaang source, ating napag-alaman na may isa tayong kababayan na nanamantala sa mga distressed workers o yung mga tumakas sa kanilang employer dahil sila’y sinasaktan at minamaltrato o kaya’y hinahalay at tinatangkang patayin. Ang pobreng OFW ay lalapit sa kababayan natin na ito na nagpapanggap na siya’y taga-POLO o taga-Embahada. Tutulungan naman niya ang nasabing OFW, patitirahin sa kanyang bahay at papangakuang ipapasok ng trabaho o kaya’y pauuwiin na may katumbas na halaga. Ang tulong pala na iyon ay may karampatang kapalit o kaya’y isang transaction na pagkakakitaan. Dito’y malinaw na ang ang biktima at nambibiktima ay kapwa Pilipino natin.
Marami pang tulad nito ang nagaganap at nababalitaan sa ating kapaligiran. Mga taong may maiitim na budhi at balakin sa kapwa. At ito’y nangyayari at ginagawa di lamang ng ibang lahi kungdi maging ng kapwa natin kababayan. Ito’y nagaganap di lamang sa ating bayan, kungdi maging sa lupaing itong ating kinatatayuan. Sabi nga ng kasabihang madalas nating naririnig “walang maloloko kung walang magpapaloko”.
Sa ganitong mga pagkakataon, higit ngayong kinakailangan na ma-proteksiyonan at mapa-alalahanan ang kapwa natin OFWs upang di nila sapitin ang mga di kanais-nais na kaganapang nabanggit.
Anu-ano ba ang mga dapat gawin upang mapangalagaan ang ating mga kababayan sa kuko ng mga ganid at mapagsamantalang nilalang?
Sa puntong ito, hindi maiiwasan na ang ganitong tanong ay salubungin ng isang katanungan din na tumutungkol sa kapasidad ng pamahalaan o ng representative nito na ma-proteksiyunan ang mga OFWs at maipaglaban ang kanilang karapatan. Mga tanong na magpapasiyasat at hahamon sa bawat isang OFW ng kanilang bahagi kung may kalapastanganan mang nagaganap o pagsuway sa ating karapatang-pantao.
Mga tanong na tulad ng:
Nakararating ba sa kanilang kaalaman ang iba’t ibang kaganapang kinasasangkutan ng mga OFWs tulad ng pagmamaltrato at panghahalay sa mga domestic helpers, pananakit, pagpaslang, pagnakaw at iba’t iba pang kaapihan kanilang nararanasan?
Naipararating din ba sa kaalaman ng mga OFWs ang mga ganitong pangyayari upang sila’y mabigyan ng babala at makapag-ingat?
Kung nakarating man, may karampatang aksiyon bang naibibigay at may mga nalutas na ba sa mga kasong ito o nakalimutan na lamang?
May mga programang bang nakalaan ang pamahalaan lalo na ang OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) para mapangalagaan ng OFW ang sarili tulad ng awareness campaign?
May negosasyong bang nagaganap o pakikipagtulungan ang Embahada ng Pilipinas sa kapulisan ng bansang ito upang maingatan ang mga Pilipinong nagtratrabaho rito?
Ilan lang ang mga ito sa katanungang mahalagang malapatan ng akmang kasagutan at aksiyon mula sa kinauukulan.
Pagkat kaakibat ng pagdami ng OFWs at pagtaas ng remittances taun-taon at bilang pagpapahalaga sa mga tinaguriang “Bagong Bayani” ay ang tungkuling sila’y mapangalagaan at maproteksiyunan laban sa karahasan, pagmamaltrato at pagyurak sa dangal at karapatan. Ngayon higit kaylan pa man na nangangailangan sila ng proteksiyon.
Aking kinapanayam kamakailan si Col. Jimmy Manabat, PNP Senior Superintendent, na itinalaga ng Pilipinas upang maging Police Attache sa Saudi Arabia. Sa aking pagtatanong, aking inalam kung ano ba ang mga programa ng Embahada upang maproteksiyunan ang libo-libong OFWs na naririto sa Saudi Arabia. Aking sinikap na kamtin ang kasagutan sa mga katanungan sa itaas. Ang buod ng panayam na ito ay aking ilalathala sa susunod na edition ng Tinig sa Disyerto. Abangan po ninyo.
(For comments and reactions, please eMail at maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment